Sen. Bato dela Rosa, naniniwalang makalulusot sa imbestigasyon ng ICC

Sen. Bato dela Rosa, naniniwalang makalulusot sa imbestigasyon ng ICC

HANDANG harapin ni Sen. Bato dela Rosa ang anumang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa drug war campaign ng Duterte administration lalo na’t siya ang namuno sa Philippine National Police (PNP) nang ipinatupad ito.

Binigyang-diin din ni Sen. Dela Rosa na wala siyang ikinakatakot hinggil sa isyu sabay ang paniniwala na malulusutan niya ang magiging imbestigasyon sakaling makapasok sa bansa ang ICC.

Nilinaw ng senador na hindi siya makikipag-cooperate sa ICC kung hindi naman pahihintulutan ng pamahalaan na manghimasok ito.

Hinding-hindi aniya siya magbibigay ng counter-affidavit dito.

Sinabi pa ng senador, bakit mukhang ipinipilit ng ibang mambabatas sa pamahalaan na makipag-cooperate ito sa ICC na hindi naman miyembro ang Pilipinas dito.

Hindi rin isang ‘failed state’ ang bansa at gumagana pa ang judicial system ayon kay Department of Justice (DOJ) Sec. Chrispin Jesus ‘Boying’ Remulla kaya walang rason na manghimasok ang ICC.

Nauna ring sinabi ni Pangulong Ferdinand R.  Marcos, Jr. na hindi siya sang-ayon na manghimasok ang ICC sa Pilipinas.

Nitong Nobyembre 21 ay ipinasa ng Kamara sa Committee on Justice ang isang resolusyon na akda nina Manila 6th Dist. Rep. Benny Abante at 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez na nananawagan ng kooperasyon ng gobyerno sa ICC para sa imbestigasyon ng war on drugs noon ng Duterte administration.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter