PINANGUNAHAN ni Senator Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography ang groundbreaking ceremony sa bagong Super Health Center sa bayan ng Samal, Bataan.
Layunin ni Sen. Go na makapaghatid ng serbisyo-medikal sa mamamayang Pilipino kung kaya patuloy ito sa paglulunsad at pagpatatayo ng mga Super Health Center sa buong bansa.
Kaugnay nito, tinatayang nasa 322 na mga Super Health Center ang ilulunsad ngayong taong 2023.
Habang nasa 157 na Malasakit Center na ang nailunsad at naisakatuparan sa buong Pilipinas kung saan dalawa dito ay nakatayo sa mga bayan ng Mariveles at Balanga, Bataan.
Isa rin sa isinusulong ni Sen. Go ang pagkakaroon ng Regional Specialty Center sa mga local hospital na malapit nang maging ganap na batas matapos aprubahan sa Senado ang Senate Bill 2212 sa third at final reading na prayoridad ng Marcos administration.
Sa kabilang banda, bilang chair ng Senate Committee on Sports, paalala nito sa mamamayan na ilayo ang mga kabataan sa ilegal na droga at sa halip ay hikayatin ang mga ito sa paglalaro ng sports.
Hindi naman pinalagpas ng senador ang pagpapakitang gilas sa paglalaro ng basketball at pagkatapos ay namahagi ito ng bola ng basketball at volleyball, relo, bisikleta, sapatos, cellphone at marami pang iba.
Matapos dito ay dumiretso rin si Sen. Go sa Balanga, Bataan upang mamahagi ng tulong sa nasa isang libong mga mahihirap sa lugar.
Nagpapasalamat naman ang butihing senador sa taumbayan sa pagbibigay ng pagkakataong makapaghatid sila ng serbisyo publiko ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil ang serbisyo aniya sa tao ay serbisyo sa Diyos.