NANAWAGAN si Sen. Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na agarang tugunan ang illegal recruitment ng mga Pilipino sa iba’t ibang scam hub abroad.
Ito’y dahil nalalagay sa panganib ng human trafficking, torture, at iba pang krimen ang buhay ng mga Pilipino.
Ayon sa intelligence reports, target ng mga sindikato ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa abroad at nililinlang sila upang mapasok sa iligal na operasyon.
Dahil dito, hinimok ni Gatchalian ang Bureau of Immigration (BI), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Migrant Workers (DMW) na magtulungan upang mapigilan ang pag-alis ng mga Pilipinong nahihikayat sa ganitong modus.
Dapat din aniyang makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa kanilang foreign counterparts upang sagipin ang mga biktima.
Palakasin din ang intelligence operations laban sa mga sindikatong nananamantala sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibang bansa.
Kamakailan naman ay naharang ng immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang limang hinihinalang biktima ng illegal recruitment bago makalipad patungong Hong Kong.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado, ang grupo na binubuo ng apat na lalaki at isang babae ay na-recruit sa social media upang magtrabaho sa scam hubs na nagpapanggap bilang online gambling firms o call centers sa Cambodia.
Follow SMNI News on Rumble