HINAMON ngayon ng isang geopolitical analyst si Sen. Imee Marcos na padalhan ng subpoena o show cause order o ‘di kaya’y warrant of arrest ang mga executive officials na ayaw dumalo o tumangging humarap sa kanyang ginagawang pagdinig sa Senado kaugnay sa illegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Professor Anna Malindug Uy, dapat maging patas ang Senado at walang pinipiling personalidad kahit ano pa ang katayuan o estado ng isang tao.
“Bakit hindi mag-issue kasi ‘di ba sa House kapag hindi nag-attend nag-i-issue sila ng show cause order and then subpoena and then warrant of arrest o ‘di kaya’y contempt diba? Eh bakit ‘di gawin ng Senado ‘yan fairplay dapat tayo.
Kung kaya nilang gawin ordinaryong mamamayang Pilipino tulad ng mga vloggers at iba pang nasasangkot sa congressional hearing kapag hindi sumagot or hindi pumupunta or hindi ka sumasagot actually sa question kino-contempt ka eh bakit sa Senado hindi nila kayang gawin? I mean I’m challenging the Senator and the whole Senate why don’t you issue the same courtesy sa hindi sumisipot sa hearing nyo,” pahayag ni Prof. Anna Malindug-Uy, Geopolitical Analyst.
Sinabi pa ni Uy na halatang takot na ang mga opisyal na humarap muli sa Senado dahil sa naunang hearing ay nagkalat at naglaglagan ang mga ito.
“Eh kasi takot sila kasi the first hearing ni Senator Imee nakita naman natin kung paano nagkalat ang executive level. I mean that’s really the word, nagkalat, naglaglagan na very obvious na nagsisinungaling ang bawat isa at in-invoke nila ‘yung executive privilege.
‘Yun nga, it’s an executive privilege tapos nag-iiba-iba ‘yung kanilang mga statement. So makikita natin sa first hearing na very obvious na may something wrong dun sa nangyari at talagang wrong ang nangyari na pag-aresto at pagkakadakip ng ating Presidente sa The Hague,” giit ni Prof. Ana.
Dagdag pa ng Professor na kung walang tinatago o kung nagsasabi man ng katotohanan ang mga opisyal, ay dapat lamang na lumantad ang mga ito upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at bigyang-linaw ang kanilang ginawang pagpaparesto at pagsuko kay dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ngunit para kay Atty. Salvador Panelo, na dating Chief Presidential Legal Counsel, ang ginagawa ngayon ni Senador Imee ay pawing pakitang tao lamang.
Dagdag pa ni Panelo na kailangan itong gawin ng Senadora upang makita ng tao na kunwari kumampi ito kay Duterte at makakuha muli ng boto mula sa mga mamamayang Pilipino.
“Yang hearing na ‘yan sa Senado publicity mileage lang ‘yan. Dun sa nagsulong n’yan, ‘yung kapatid ng Presidente, kasi kailangan nya talaga ‘yan kasi bumagsak na sya sa survey kaya ginawa nya lahat ng paraan para makita na sya ay kumakampi kay Presidente Duterte.
Sapagkat naging balat kayo nga ‘yan, di ba? Ang kanyang mga galaw ‘di mo malaman kung kanino ba talaga sya—nasa kaliwa, nasa kanan. Kumbaga namangka sya sa dalawang ilog eh. Nagkaroon talaga sya ng problema so gumawa sya ng paraan upang ito’y magkaroon sya ng, sabihin mong pwedeng magamit nya at sasabihin nyang, ‘Hindi, kita nyo nag-iimbestiga pa ako dyan sa pag-aaresto nyan,” saad ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Kung matatandaan, una nang hinamon ni Panelo ang Senadora na sampahan ng kaso ang kaniyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos at ang mga kasamahan nito kung talagang may mga paglabag itong ginawa kaugnay sa ilegal na pagdakip kay dating Pangulong Duterte.
Follow SMNI News on Rumble