ITINANGGI ni Presidential Sister at Senator Imee Marcos na may hidwaan sila ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Kasabay nito ang pagdepensa ng senadora na hindi siya isang kritiko ng Pangulo bagkus ay naghahanap aniya siya ng solusyon.
Giit pa ni Sen. Imee, hindi pangongontra ang kaniyang ginagawa kundi gusto niyang alamin ang bawat detalye kaya kinukulit nito ang Pangulo.
Ipinunto pa ng presidential sister na mahal niya ang kaniyang kapatid at aminadong nagkakaroon din sila ng mga awayan tulad ng isang normal na pamilya.
Matatandaan na nagsimula ang usapang awayan sa pagitan nina Senator Imee at Pangulong Marcos nang salungatin ng senadora ang ilan sa polisiya at panukalang batas ng Pangulo.
Kabilang dito ang ratipikasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership at ang usapin ng pagtanggap ng Pilipinas sa mga empleyadong Afghans ng Estados Unidos.