DAHIL sa patuloy na tumataas na presyo ng mga bilihin sa bansa ay nanawagan si Senador Imee Marcos na unahin ang taumbayan sa 2023 budget ng pamahalaan.
Batid ng senadora na prayoridad sa panukalang budget ang edukasyon at imprastraktura ngunit number 1 aniya na di dapat kalimutan ay ang kumakalam na sikmura ng mga mahihirap.
Aniya 60 porsyento ng gastusin ng mga walang trabaho ay napupunta sa pagkain na lumobo naman ng 10 porsyento ang presyo dahil sa inflation.
“Dahil dito ay natatakot tayo na mauwi tayo sa isang Paskong tuyo. Kinakailangan talaga na mag-umpisa dito sa wage subsidy at sa iba’t iba pang pamamaraan tulad ng ayuda na nasa cash, ayuda rin na nasa tulong sa gamot, ayuda sa pagkain katulad ng Nutribun,” ani Sen. Imee Marcos.
Bukod sa pamimigay ng ayuda ay naniniwala ang senadora na dapat tulungan din ang mismong source ng pagkain, upang maibaba ang presyo nito sa merkado.
Malaking bagay aniya kung tutulungan ang mga magsasaka sa distribusyon ng kanilang ani.
Isang malaking tinik ang mawawala kung mababawsan ang kanilang transportation cost mula probinsya papunta sa mga malalaking lungsod.
“Simutin muna ang lahat ng available na lokal. Pero tulungan sa distribusyon sa pagtransport mula sa Mindanao, sa Visayas, at sa iba pang lugar. Sa pagtransport ng mga gulay mula sa Cordillera na mga nabubulok at dalhin na dito sa Metro Manila,” dagdag ng senadora.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Senator Imee ang pamamahagi ng tulong sa Navotas at Malabon kanina.
Tumanggap ng tig-3K financial assistance mula sa DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ang dalawang libong senior citizens at persons with disabilities sa mga nabanggit na lugar.
20 wheelchairs ang ipinamigay sa mga persons with disabilities habang tumanggap naman ng Nutribuns at arrozcaldo ang mga batang may edad isa hanggang limang taong gulang.