NAKAKITA ng pag-asa si Senador Robin Padilla sa posibleng pagkakaroon ng joint exploration para sa langis at gas sa West Philippine Sea (WPS) sa pagitan ng China at Pilipinas.
Ito ang nakitang pag-asa ng senador sa isinagawang budget hearing ng 2023 budget ng National Power Corp. (NAPOCOR), Philippine National Oil Co. (PNOC), at Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM).
Sa naturang pagdinig, kinuwestiyon ni Padilla si PNOC Exploration Corp. Vice President for Upstream Jaime Bacud kung may balita tungkol sa sinabi ng Pangulo na gusto niyang magkaroon ng joint exploration kasama ang China.
Ayon kay Bacud, sa pagkakaalam nila, maaaring may pag-uusap ang Department of Energy sa kanila at umaasa ang opisyal na magiging maayos ang pag-uusap.
Iginiit ni Padilla na kailangang-kailangan ng Pilipinas na makatuklas at pakinabangan ang langis dahil sa inaasahang kakapusan sa enerhiya sa mga darating na taon.
Umaasa ang senador na sana ay magkaroon ng positibo ang pag-uusap para sa joint exploration sa WPS.
Magugunita na naunang ibinunyag ni Padilla na kasama sa pinag-usapan niya at kapwa niyang senador kay Chinese Ambassador Huang Xilian kamakailan ang joint exploration para sa langis sa WPS.
Si Padilla ang may-akda ng Senate Resolution No. 9 na nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para ituloy ang usapin ng joint oil and gas exploration sa WPS.
Samantala, ibinunyag ni PNOC President Jesus Posadas na maaaring magkaroon ng paraan para tumanggap ng “tulong” mula sa ibang bansa tulad ng Iran pagdating sa langis.
Ikinatuwa naman ito ni Padilla na dati na rin nakipag-ugnayan sa kinatawan ng Iran noong nakaraang taon at sinabihang handa silang tumulong na mag supply ng langis sa Pilipinas.