Sen. Padilla, Tolentino iginiit na dapat irespeto ang karapatan ni Pastor ACQ

Sen. Padilla, Tolentino iginiit na dapat irespeto ang karapatan ni Pastor ACQ

SA kabila ng iba’t ibang alegasyon ni Sen. Risa Hontiveros ay iginiit naman ng dalawang kasamahan niya sa Senado na dapat dalhin sa korte ang kaso ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

Ito ang reaksiyon ni Sen. Robin Padilla at Sen. Francis Tolentino kasunod ng babala ni Hontiveros na maaring aarestuhin si Pastor Apollo sakaling bigo siyang dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa mga alegasyong ipinupukol sa kaniya.

Matatandaan na sa nakaraang dalawang pagdinig ng Senate Committee in Women, Children, Family Relations at Gender Equality ay ‘di ito sinipot ni Pastor Apollo.

“Dapat siguro dalhin ito sa korte kasi siyempre tinitingnan natin ang parehong karapatan, may karapatan ang nag-aakusa at inaakusahan. ‘Yung ganitong usapin ang pinag-uusapan dito law and order na,” ani Sen. Robin Padilla.

Para kay kay Sen. Padilla, dapat ihinto na ni Hontiveros ang kaniyang imbestigasyon at sampahan na ito ng kaso upang maipaubaya sa korte.

Sa pinakahuling pagdinig ni Hontiveros noong Pebrero 19, naghayag ng tiwala si Sen. Padilla sa integridad ni Pastor Apollo. Matagal na aniya itong kilala na nakikipaglaban para sa kapayapaan at kontra insurhensiya sa bansa.

“Kung tayo po ay mag-aakusa at titindig, natatakot po tayo o hindi, kailangan harapin po natin kung sino ang inaakusahan natin nang nakikita po ang mukha natin at kilala tayo dahil ‘yun po ang matatandaan ng susunod na henerasyon,” saad ni Sen. Padilla.

Sa isang press conference nitong araw ng Lunes, deretsahang sinabi ni Sen. Francis Tolentino na dapat irespeto ni Hontiveros ang karapatan ni Pastor Apollo.

“So ‘yung sa akin, we reiterated during the interview that kung mayroong pamamaraang ligal na gagawin si Pastor Quiboloy, sa pagdulog sa husgado. Kagaya nung nangyari noong Neri Case sa Senado, kung inyong natatandaan pa, walang makakapigil sa kanya. At hindi dapat pigilan ‘yun kasi karapatan niya ‘yun,” wika ni Sen. Francis Tolentino.

Ipinunto rin ni Sen. Tol, na isang abogado, na kahit ang mga resource person na cited in-contempt ay dapat pa ring igalang ang kanilang karapatang pantao batay sa bagong rules of investigation sa Senado na kaniyang binago bago magbitiw bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Kung matatandaan niyo noong ako pa ang chairman ng Blue Ribbon Committee, binago natin ang rules. And the rules as amended, would apply likewise to persons cited in contempt. So, ‘yung sa atin, sa pagbabago ng rules, binigyan po natin ng diin ‘yung karapatang pantao noong mga humaharap sa mga committee. So doon sa atin pong nilagay ay dapat kilalanin din ang kanilang karapatan as an individual, as a Filipino citizen,” ayon kay Sen. Tolentino.

Batay sa bagong patakaran sa imbestigasyon, sakaling piliin ni Pastor Apollo na dumalo sa pagdinig sa Senado ay hindi siya dapat babastusin.

Ipinunto ni Tolentino na hindi maaring tratuhin bilang isang nagkasala na si Pastor Apollo dahil ang paghuhusga ng isang inuusig ay hindi nakasalalay sa isang komite sa Senado kundi sa isang korte.

“Maliwanag po iyan. Ang atin pong gawain dito sa Senado is to investigate in aid of the legislation. It is not the duty of the Senate to condemn and imprison an individual because that individual, no matter how high or lowly he is, has the same basic human right and the right to innocence, etc etc. So, igalang po ‘yun. ‘Yun po ang sinabi ko nun, igalang ‘yung karapatan ni Pastor Quiboloy,” dagdag ni Tolentino.

Ang susunod na pagdinig ng Senado kaugnay sa mga alegasyon laban kay Pastor Apollo ay nakatakda sa Marso 5.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble