NAGHAYAG ng mariing pagtutol si Senador Robin Padilla sa gagawing imbestigasyon ng senado kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng the Kingdom of Jesus Christ.
Sa isang panayam sinabi ni Padilla na ayaw nitong maging sunod-sunuran ang mga Pilipino sa Amerika.
“Kaso ng Amerikano yon. Kaso na Amerikano ‘yung kay Pastor. Ano yon? parang ICC (International Criminal Court) din? sunud-sunuran na naman tayo sa dayuhan? ganon ba ang dating noon?” ayon kay Sen. Padilla.
Ani Padilla, may karapatan si Hontiveros na magsulong ng imbestigasyon bilang isang mambabatas, pero kanyang ipinunto na hindi nito susuportahan ang alegasyon na nag-ugat mula sa imbestigasyon ng dayuhang korte.
“Kami, ako lalo, nangangati ako pagka kaso ng puti e… na-o-offend si [Andres] Bonifacio. Ayoko talaga. Pero kung sa Pilipinas, wala akong magagawa. Pilipino ‘yon e. Kung pagbabasehan natin ay korte ng ibang bansa, no way,” saad nito.
Sa alegasyon naman ng child abuse at sexual abuse, sinabi ni Padilla na dapat imbestigahan din ang mga testigo dahil sa posibilidad na hindi ito nagsasabi ng katotohanan.
“Kailangan nating imbestigahan ang mga witnesses kung sila ay nagsasabi ng totoo. Ang tagal naman ninyo na nanonood ng hearing dito. Kakaunti ang witness na nagsasabi ng totoo dito. Magsasabi ng statement ngayon, kinabukasan iba na ‘yung statement,” ani Padilla.
Araw ng Lunes, naghain si Hontiveros ng isang resolusyon na naglalayong siyasatin ang di umano’y large-scale human trafficking, rape, sexual abuse and violence at child abuse laban kay Pastor Apollo.
Una na ring ipinagtanggol ng kilalang abugado na si Atty. Ferdinand Topacio si Pastor Apollo.
Hinamon ni Topacio na sampahan ng kaso sa korte ang butihing Pastor.
“Ang ginagawa po ni Senator Risa Hontiveros ay isang panlilinlang sapagkat ang sinasabi po niya, gusto niyang imbestigahan itong mga alegasyon ng human trafficking, may mga testigo raw siya laban kay Pastor Quiboloy at sa grupo ng Kingdom of Jesus Christ, ngunit itong bagay na ito ay hindi po dapat sa Senado iniimbestigahan,” ayon kay Atty. Topacio.