Sen. Raffy sa gobyerno at energy sector stakeholders: ‘Wag na kayong magsisihan

Sen. Raffy sa gobyerno at energy sector stakeholders: ‘Wag na kayong magsisihan

BINALAAN ni Senador Idol Raffy Tulfo ang mga ahensiya ng gobyerno at iba pang stakeholders sa energy industry na tigilan na ang pagtuturuan kung sino ang may pagkukulang tungkol sa mga isyu ng paulit-ulit na brownouts sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa unang Public Hearing ng Committee on Energy, hinikayat sila ni Sen. Idol na magtulungan upang maresolba ang problema sa enerhiya ng bansa.

“Sa mga taga-gobyerno, kasama sa mandato ninyo na hanapan ng solusyon ang mga problemang kinakaharap ng taumbayan, kabilang na dito ang problema sa brownouts. Nakalulungkot po na pagdating dito sa Senado ay nagsisisihan kayo – walang gustong tumanggap ng pagkakamali at lahat pinapasa sa isa pang ahensiya ang sisi,” ani Tulfo.

“Dapat ay mag-usap-usap kayo at magkaisa para maresolbahan po natin ang problema ng taumbayan. Walang imposible kung lahat ng concerned agencies at stakeholders ay magkakaisa para hanapan ng solusyon ang isang problema, gaano pa man kahirap iyan,” dagdag niya.

Sinabi ito ni Tulfo matapos mapansin na walang maayos na komunikasyon at koordinasyon ang mga kooperatiba, regulators at stakeholders mula sa iba’t ibang energy stakeholders.

Sinang-ayunan ni Department of Energy (DOE) Secretary Atty. Raphael Lotilla ang suhestiyon ni Tulfo na tiyakin ang koordinasyon sa lahat ng mga ahensya at sektor.

“This is a difficult time for all of the parties but we will make sure that there is coordination among agencies,” saad ni Lotilla.

Ang ilan sa mga dumalo sa hearing ay ang mga kinatawan mula sa Energy Regulatory Commission (ERC), National Electrification Administration (NEA), National Power Corporation (NPC), National Transmission Corporation (TRANSCO), Occidental Mindoro Electric Cooperative, INC (OMECO), at Occidental Mindoro Consolidated Power Corp.

Sa halip na magbigay ng “band-aid fix,” sinabi ng mambabatas na ginanap ang hearing upang mabigyan ng sistematikong solusyon ang problema sa kuryente.

“Even before I was elected as a Senator, I have already been receiving numerous complaints regarding the persistent and recurring power outages coupled with high electricity rates that had been adversely affecting the economic activities and livelihood of the people in these areas,” ani Tulfo.

“We are familiar that the energy industry is divided into several sectors, namely, generation, transmission, and distribution. Even though they are distinct and separate industries, each one’s problems affect the others,” dagdag niya.

Follow SMNI News on Twitter