Sen. Revilla, umaasa sa maayos at maunlad na Pilipinas sa 2024

Sen. Revilla, umaasa sa maayos at maunlad na Pilipinas sa 2024

UMAASA si Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. na magiging mas maunlad ang 2024 bunga ng mga pagsisikap sa jobs at investment generation ng kasalukuyang administrasyon sa pangunguna mismo ng Pangulo.

Kasunod ito sa pinakahuling ulat na inilabas ng Pulse Asia Research na umabot umano sa 92 porsiyento sa ating mga kababayan ang nananatiling buo ang loob at pag-asa para sa pagpasok ng taong 2024.

Nabatid na hindi lamang bilyong pisong halaga ng investment pledges ang naiuwi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. kundi mahigit sa 200-K job opportunities para sa ating mga kababayan mula sa kaniyang opisyal na foreign trips mula sa huling quarter ng 2022-2023.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), ang mga biyahe ni Pangulong Marcos noong 2022 ay lumikha ng 7,100 job opportunities mula Indonesia noong Setyembre 4-6; 14,932 naman mula sa Singapore noong Setyembre 6-7; at 98,000 mula New York noong Setyembre 18-24.

Nag-uwi rin si Pangulong Marcos ng 5,500 job opportunities mula sa pagbisita nito sa Thailand noong Nobyembre 16-17; 6,480 trabaho naman mula sa Belgium noong Disyembre 11-14; at 730 trabaho naman mula sa Netherlands noong nakaraang Disyembre 15-17 na bahagi ng department investment mission.

Para sa taong 2023, binisita rin ni Pangulong Marcos sa China noong Enero 3-5 na nagresulta sa 32,722 trabaho; 24,000 job opportunities din ang naiuwi mula sa Japan nitong nagdaang Pebrero 8-12; 6,386 naman mula sa Washington, DC noong Abril 30 hanggang Mayo 4; at 8,365 trabaho pa mula Malaysia noong Hulyo 25-27.

Nakapag-uwi din si Pangulong Marcos ng 450 karagdagang trabaho nang bumisita ito sa Singapore noong Setyembre 14-17; karagdagang 2,550 trabaho pa mula naman sa pagbisita nito sa Estados Unidos noong Nobyembre 14-17; at 15,750 naman ang nakuha sa Japan noong Disyembre 15-18.

Ayon kay Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go na ang sinasabing P169-B halaga ng investment pledges sa isinagawang pagbisita ni Pangulong Marcos sa Japan ay naisakatuparan na at naipagkaloob na sa ating mga kababayan ang libu-libong trabaho.

“Nasa tamang direksiyon ang tinatahak nating landas tungo sa maayos at maunlad na bansa dahil sa walang humpay na pagsisikap ng ating pamahalaan para mag-angkat ng karagdagang negosyo at trabaho na kailangang-kailangan ng ating bansa,” saad ni Sen. Bong Revilla.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble