NAKAHANDA na ang Senado para sa pagsasagawa ng ika-31 na taunang Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF) kung saan ang mga miyembro ng parlamento mula sa nasabing rehiyon ay mag-uusap hinggil sa mahahalagang isyu kaugnay ng rehiyonal na kapayapaan, kaunlaran, at sustainable development.
Ang Senado ay host para sa prestihiyosong taunang pagpupulong ng mga miyembro ng parlamento, kasama ang House of Representatives bilang co-host.
Ang APPF ay gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City mula Nobyembre 23-25.
Pangungunahan naman ni Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri ang pagtanggap ng Pilipinas sa mga miyembro ng parlamento sa pandaigdigang kumperensiya.
Ang Pilipinas ay kabilang sa mga nagtatag ng APPF. Una itong naging sponsor ng nasabing pagpupulong noong 1994.
Inaasahan naman na dadalo ang mga kinatawan mula sa 18 na bansa, kabilang ang Australia, Brunei Darussalam, Cambodia, Canada, Chile, China, Indonesia, Japan, Korea, Lao PDR, Malaysia, Mexico, Micronesia, Papua New Guinea, Peru, Russian Federation, Thailand, at Vietnam.