SMC Power magtatanim ng mahigit 1M puno ngayong taon

SMC Power magtatanim ng mahigit 1M puno ngayong taon

TARGET ng power unit ng San Miguel Corporation (SMC) na ngayong taon ay makapagtanim ito ng mahigit isang milyong puno sa bansa.

Sa pahayag ng kompanya, bahagi ito ng pitong taong Upland at Mangrove Rehabilitation Program ng San Miguel Corporation na tinaguriang Project 747 ng SMC Global Power Holdings Corporation.

Nasa 4,000 na ektarya ng upland at mangrove forest mula sa walong probinsya ang tataniman ng kompanya kabilang na sa Pangasinan, Zambales, Bataan, Quezon, Albay, Negros Occidental at Davao Occidental.

Ang mga itatanim na puno sa naturang mga lugar ay magiging karagdagan sa halos dalawang milyong puno at propagules na naitanim na ng kompanya sa mahigit 620 hectares na lupa mula nang mailunsad ang programa noong 2019.

Kabilang sa mga variety ng mga punong itinatanim sa mga upland forests ay ang Narra, Molave, White Lauan, Palosapis, Agoho, Batina, Igang at Malabayabas.

Sa variety naman ng mga itinatanim na mangrove, kasama dito ang bakawan babae, bakawan lalaki, bungalin at api-api.

Ayon kay SMC President and CEO Ramon Ang, bagaman nagsusumikap ang kompanya  na matugunan ang lumalaking pangangailangan ng enerhiya ng mga Pilipino, hindi ito tumitigil sa paghahanap ng mas mahusay na mga teknolohiya at pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang mga epekto sa kapaligiran.

“Caring for the environment is key to mitigating the global problem of climate change. While we work hard to provide for the growing energy needs of Filipinos, we also do not stop looking for better technology and sustainable solutions to reduce impact to the environment,” pahayag ni Ang.

Dagdag ni Ang, kabilang na sa kultura ng SMC ang “sustainability” at kasama ito sa lahat ng aspeto ng kompanya kaya patuloy itong namumuhunan sa mga programa na mag-prepreserve sa kalikasan at magtataguyod ng environmental stewardship sa iba’t ibang stakeholder.

“Sustainability has always been ingrained in our company culture and built into all aspects of our businesses, that is why we continuously invest on programs that preserve the environment and promote environmental stewardship among various stakeholders,” dagdag ni Ang.

SMNI NEWS