NOONG Abril 20, isang Korean national ang binaril malapit sa isang bangko sa tinatawag na Korean Town sa Angeles City, Pampanga. Ang insidente ng pamamaril ay may kaugnayan sa panghoholdap.
Ang naturang insidente ay isa lamang sa laganap na krimen na nangyayari sa mga Koreanong bumibisita o naninirahan sa Pilipinas.
Ibinahagi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz ang kadalasang krimen na naire-report sa kanila na biktima’y mga Korean national.
“Like, halimbawa iyong recently nagkaroon ng nakawan, nagkaroon ng pamamaslang at iyong iba iyong scamming ano.”
“Kadalasan ganoon po, na minsan nagkaroon na po ng report ng snatching ano; iyong nakawan, mayroon din pong report. At iyong sa datos naman po, paiba-iba iyong datos but hindi naman po siya ganoon karami,” wika ni Usec. Gilbert Cruz, Executive Director, Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Kaugnay naman sa kabuuang estado ng naitatalang krimen kung saan target ang mga mamamayang Koreano, ayon kay Cruz:
“Halos naka-flat naman po, hindi naman po tumataas o bumababa ‘no. But, siyempre, gusto nating mawala eh so iyon ho ang target natin ngayon,” aniya.
Ipinahayag naman ng opisyal na mahalaga ang pag-amin at pagkilala sa mga pagkukulang ng mga awtoridad pagdating sa mga hakbangin kontra kriminalidad.
“At least ngayon ho, na-voice out nila iyan at in the open talagang nakita natin na may pagkukulang at dadagdagan po natin iyong pagkakamali. Ayaw na lang po nating madagdagan iyan, ang gusto po natin mawala iyan,” aniya pa.
Gayunman, ang masaklap nga lang aniya rito, ang mga nagre-report na mga biktima ay mga turista at ang iba pa ay mga investor.
Ito aniya ang ayaw mangyari ng pamahalaan na maapektuhan at manlumo ang mga turista na isipin nilang magulo ang Pilipinas.
Isinalaysay naman ng opisyal na ang ibang naging problema’y naaksiyunan na subalit hindi lang talaga naire-report nang maayos.
Mababatid na nagkaroon ng high-level meeting ang mga kinatawan ng Korean Consulate at United Korean Community Association in the Philippines sa mga opisyal ng PAOCC noong Biyernes.
Hiniling ng mga dayuhang opisyal na tugunan ang laganap na kaso ng karahasan laban sa kanilang mamamayan na nakatira at bumibisita sa bansa.
“So, iyong dayalogo po na iyon, talagang para malaman po namin kung ano talaga iyong niri-report nila na mga krimen, saan nanggagaling iyong krimen, ano iyong motibo at iyong kung sila po ba ay talagang naaaksiyunan noong ating mga authorities especially kung sila po ay nagiging biktima na ng krimen,” dagdag nito.
Kabilang sa mga hakbang na ginagawa ngayon ay ang muling pagbuhay ng Tourist Assistance Desk, isang espesyal na unit na nakalaan para magbigay ng police visibility at pahusayin ang koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na awtoridad sa pagtutok sa kaligtasan ng mga banyagang mamamayan sa lahat ng oras.
Palalakasin din ang monitoring sa mga Korean community sa mga pangunahing lugar tulad ng Angeles City sa Pampanga, gayundin sa Malate, Maynila at sa parte ng Parañaque City.