MAGSISIMULA na sa Setyembre ang pagpapatupad ng subsidiya para sa mga low-income household na komukonsumo sa isang buwan ng 100-kilowatt hours o mas mababa pa.
Sa anunsiyo, nasa 100% ang discount sa may 0-20 kwh na monthly consumption; 50% para sa 21-50 kwh na monthly consumption; 35% discount para sa 51-70 kwh na monthly consumption; at 25% sa 71-100 kwh na monthly consumption.
Saklaw ng lifeline rate program ang lahat na Meralco subscribers na hindi nakabayad ng kanilang kuryente maging ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Kasama rin dito ang mga kustomer na nasa below poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Nilinaw naman ng Meralco na hindi kasama dito ang condominium unit owners at mga nakatira sa subdivisions.
Kaugnay dito, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na maaaring mag-aplay ang mga kuwalipikado sa distribution utility and electric cooperative sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang lifeline rate application form.
Kasama na dito ang kanilang pinakahuling electricity bill at anumang valid na government ID.
Kailangan rin magsumite ng sinumang kustomer na nasa below poverty threshold ng certification mula sa social welfare and development office na inisyu sa loob ng anim na buwan na nagpapakita ng kanilang income.
Ang 4Ps beneficiaries ay pasok sa programa hangga’t nasa updated list ito.