PINABULAANAN ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtanggap ng saging at P50 kapalit ng paglayag ng lumubog na bangka sa Binangonan, Rizal.
Ayon mismo kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, absurd o walang katotohanan ang bintang na ito ng operator ng bangka para makapaglayag ito hanggang sa maaksidente ito malapit sa Talim Island, na kumitil ng 27 buhay.
Sa pagdinig sa Senado, inamin ng kapitan ng bangka na si Donald Añain na nagbigay siya ng P100 halaga ng saging at P50 na pangmeryenda para mapirmahan ang dokumento ng kaniyang bangka bago maglayag.
Giit ni Balilo, hindi aniya magagawa ng sinumang tauhan ng PCG na tumanggap ng suhol sa halagang singkuwenta pesos kapalit ng isang bagay.
Nabatid na naging normal na umano sa Talim Island ang pagbibigay ng mga items tulad ng tinapay, sigarilyo o alak sa mga tauhan ng PCG.