NAGSALITA na ang sundalong nanakit umano ng asawa.
Hindi na napigilan ni aspiring BGen. Ranulfo Sevilla ang kaniyang emosyon nang humarap ito sa media araw ng Miyerkules.
Ito’y matapos na ireklamo ng kaniyang sariling asawa ng umano’y pang-aabuso.
Paliwanag ni Sevilla, hindi totoo ang mga paratang na ibinabato laban sa kaniya, aniya matagal nang nadismiss sa korte ang kasong isinampa laban sa kaniya dahil sa kakulangan ng merito.
“Yung sinasabi naman po niya na VAWC ito po ‘yun may court order po dismiss na po ‘yun matagal nang dismiss at ginagamit pa rin niya sa panlilinlang sa kung sino man kaya wala pong katotohanan ‘yan na nanakit ako sa aking asawa at mga anak,” ani Col. Ranulfo Sevilla, Aspiring BGen., AFP.
Hindi rin aniya na maintindihan kung bakit ginagamit ng kaniyang asawa ang kanilang anak laban sa kaniya.
“Last Tuesday po nagsasalita ‘yung anak ko na siya raw ay minamaltrato, ako’y nasaktan talaga dahil ginamit ang anak ko pero hindi nya alam na pagkatapos magsalita ng anak ko doon sa inyo sa media lumapit po ang anak ko pumunta sa akin sa holding area at umiyak yumakap, ito po yung video, meron bang abused child na lalapit sa abuser?” ani Col. Ranulfo Sevilla, Aspiring BGen., AFP
Matatandaan na hindi natuloy ang promosyon ni Sevilla bilang BGen. dahil sa reklamo ng asawa nito na si Tessa Luz Aura Reyes-Sevilla ng umano’y pang-aabuso.
AFP nilinaw na hindi nila pinagtatakpan ang mga inerereklamong sundalo
Maliban pa rito inirereklamo rin ni Tessa Luz ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung bakit wala umanong ginagawang aksiyon ang AFP sa naturang isyu, bagay na sinagot ng AFP.
“Sa bawat instance po we follow due process and ensure both parties are provided opportunity to be heard before adjudication of the complaint arrived at” ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.
Ayon sa tagapagsalita ng AFP na si Col. Francel Margareth Padilla na kung merong mga alegasyon at mga reklamo ay hindi nila ito pinababayaan.
“The Armed Forces of the Philippines takes very seriously all allegations and complaints of misconduct more so complaints against violence against women and children these cases are investigated of the office of ethical standards and public accountability at ang ating OESPA office as well as the OTPMG of the Armed Forces of the Philippines,” ani Padilla.
Kaugnay rito, para naman kay Col. Arlene Aquino-Frage ang Chief ng Gender and Development ng AFP hindi totoo na hindi nila pinansin ang reklamo ng asawa ni Col. Sevilla.
Hindi rin aniya totoo na pinagtatakpan nila ang mga sundalo na inirereklamo.
“Hindi po totoo na kung ito man may mga nabanggit ninyo na may mga asawa na nagcomplaint na hindi namin pinansin ay maaaring hindi lang po nakalapit sa tamang opisina para sila ay mabigyan ng advice,” saad ni Col. Arlene Aquino-Frage, Chief, Gender and Development, AFP.
Sa huli muling binigyang-diin ng AFP na sila ay mananatiling patas at patuloy na ipatutupad ang mga mekanismo ng organisasyon sa tuwing may mga inirereklamong personahe ng AFP.
“The AFP and the Gender and Development Office together with OESPA and OTPMG also reviews and recommends policies mechanisms and interventions gear towards ensuring that the AFP maintains organization wide environment and professional culture receptive and responsive to complaints and allegations of misconduct by our service personnel,” dagdag ni Padilla.