ALL-out war na nga kung ituring ng Philippine Army (PA) ang sunud-sunod na panalo laban sa Communist Terrorist Group (CTG) na New People’s Army (NPA).
Kamakailan nga lang ay isa na namang top leader ng NPA ang patay sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng militar at CTG na kumilos sa isang bayan sa Bohol.
Kinilala ng mga awtoridad ang naturang NPA leader na si Domingo Jaspe Compoc alias Silong.
Kabilang din sa napatay ang apat na iba pang kasapi ng Bohol Party Committee (BPC) na sakop din ng teroristang NPA.
Base sa impormasyon, Pebrero 23 araw ng Biyernes, mag 7:00 ng umaga nang isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Bohol Police Provincial Office (BPPO) at 47th Infantry Battalion ang Joint Enhanced Military Police Operation (JEMPO) laban sa nabanggit na grupo.
Nangyari ang palitan ng putok sa Brgy. Campagao, Bilar, Bohol na nagresulta sa pagkakapatay ni alias Silong at apat na iba pa na kinilalang sina Parlito Segovia alias Aldrin, Asst. Squad Leader at Political Guide; Marlon Omosura alias Darwin, Squad Member; ang abogadong si Hannah Jay Cesista alias Maya/Lean; at isang nakilala lang sa pangalan na Juaning.
Narekober din ng militar ang anim na armas kabilang ang isang M653 assault rifle; isang R4 assault rifle; isang M16 rifle; at tatlong Cal. 45 pistols.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army ay sinabi nito na si alias Silong ay wanted at mayroong mahigit P2-M na patong sa ulo dahil sa mga krimen na ginawa nito kagaya ng rebellion, homicide, attempted homicide, multiple murder, frustrated murder, at robbery.
“Meron siyang P2.6-M na patong sa ulo for various crimes na kinomit niya while nasa kilusan,” ayon kay Col. Louie Dema-ala, Spokesperson, PA.
Dagdag pa ni Dema-ala na balak ng grupo ni Silong na muling maghasik ng kaguluhan sa Bohol kaya malaking kawalan aniya para sa mga NPA ang pagkasawi ng kanilang mga kasamahan.
“Talagang malaking accomplishment to kasi nawalan sila ng pinuno yong magle-lead doon sa mga members ng CPP-NPA lalong-lalo na dito sa Bohol kaya sila napadpad sa Bohol dahil gusto nilang i-cover ang Bohol from insurgency free gusto nilang balikan, gusto nilang kunin kaya maganda itong nangyare na-neutralized natin sila nang maaga at hindi na sila nakapaghasik pa ng terorismo doon sa bayan ng Bohol,” dagdag pa ni Dema-ala.
Maliban sa engkuwentro sa Bohol, nakamit din ng Philippine Army ang iba’t ibang katagumpayan sa ibang parte ng bansa.
Katunayan, aabot na sa mahigit 200 miyembro ng CTGs ang na-neutralized ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang nasabing bilang ay mula Enero hanggang Pebrero 15, 2024 habang nasa 18 miyembro naman ng Local Terrorist Group (LTG) ang na-neutralized sa kaparehong panahon.
“Ito na yong parang all-out war natin para talagang walang let-up. Talagang totally ma-neutralized na natin yong mga remaining members ng communist terrorist groups,” ani Dema-ala.
Sa ngayon, sinabi ni Col. Dema-ala na nakatutok ang kanilang internal security operations sa isla ng Visayas partikular ang mga lugar ng Bohol, Samar, Leyte, at ilang bahagi ng Negros.
“Itong sunud-sunod na encounters na nagawa natin against the members of the communist terrorist group ay talagang nagpapatunay lang ito na walang let-up ang operations yong internal security operations ng Armed Forces dahil gusto natin na talagang wakasan na itong terorismo dito sa ating bayan,” dagdag pa nito.