TINUTUTUKAN ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang suplay ng mga abot-kayang gamit pang-eskuwela ngayong malapit na ang pasukan, na magsisimula na sa June 16.
Ayon kay DTI Fair Trade Group Head Assistant Secretary Agaton Uvero, bagama’t mayroong 17 items ang naitalang nagtaas ng presyo kabilang ang ilang klase ng notebook, ay mas marami naman daw ang bumaba ang presyo ngayong taon na nasa 29 items.
Binanggit naman ni Uvero na sa ilang lugar gaya ng Divisoria at Baclaran ay mas mababa sa itinakdang price guide ng gobyerno ang bentahan.
Kamakailan lang naglabas ang ahensiya ng price guide o gabay na naglalaman ng mga suggested retail price (SRP) ng 195 items o stock-keeping units (SKUs) na dapat na makikita sa mga tindahan.
Ang nasabing items ay kinabibilangan ng mga karaniwang gamit ng mga estudyante gaya ng notebook, pad paper, ball pen, lapis, crayons, ruler, eraser at iba pa. Layunin ng listahan na gabayan ang mga mamimili sa tamang presyo ng mga produkto sa merkado.
‘’I-download lang po ang aming price guide, iyong aming gabay. Gumawa po ng listahan ng mga bibilhin, ikumpara po ang presyo ng mga nasa tindahan kumpara po doon sa price guide, tingnan po iyong trademark, iyong klase ng binibili,’’ Asec. Agaton Uvero, Fair Trade Group Head, DTI.
Bukod dito, ipinatupad din ng DTI ang programang “Balik Eskuwela Diskwento Caravan” sa iba’t ibang rehiyon at probinsya sa bansa.
Saad ni Uvero, nagsasagawa ng caravan sa iba’t ibang lugar ang ahensya na may diskuwento mula limang porsyento (5%) hanggang labinlimang porsyento (15%) sa mga presyo ng mga produkto.
‘’Ang ating mga kababayan, tingnan po ang aming mga social pages sa mga DTI regional and provincial offices para makita kung kailan naka-schedule itong mga diskuwento caravan,’’ saad ni Uvero.
Patuloy naman ang mahigpit na nationwide price monitoring ng ahensya upang tiyaking hindi maaabuso ang mga mamimili.
Kaugnay pa rin ng nalalapit na pasukan, naghahanda na ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) para sa inaasahang pagtaas ng bilang ng pasahero sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 16.
Sinabi ni MRT-3 General Manager Michael Capati na may inihahandang Oplan para sa mga estudyante, gaya ng ginagawa taon-taon, upang matiyak ang maayos at ligtas na biyahe ng mga papasok sa eskuwela.
‘’Nagpi-prepare kami and we are also looking at ways para maibsan. Incidentally, ang MRT naman hindi naman ganoon kataas ang rate ng aming student ridership, unlike sa line 2 na talagang ang tina-traverse niya puro university belt. But, nevertheless nakapagprepara na kami para maayos po iyong kanilang pila in general,’’ani Engr. Michael Capati, General Manager, MRT-3.
Ang Highway Patrol Group (HPG) naman ay mahigpit ang koordinasyon sa DPWH, mga LGU, MMDA, at NDRRMOs lalo na ngayong papasok na ang school year at panahon na rin ng tag-ulan.
Sabi ni Lt. Nadame Malang, ang tagapagsalita ng PNP-HPG, lahat ng 18 mga Regional Highway Patrol Office nila ay may mga nakalatag na na joint tasking para sa mga road clearing at mga prepositioning ng mga equipment.
‘’Mostly, kung may mga kailangan po ng crowd control, again, prepared na po tayo diyan at well-coordinated na po iyan sa mga nabanggit po nating ahensiya lalo na ngayon po na papasok na po ang school year at panahon po ng malalakas po na ulan dito po sa ating bansa,’’ ani Lt. Nadame Malang Spokesperson, PNP-HPG.