NAGDEKLARA si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng suspensyon sa trabaho at klase sa ilang lalawigan ng Luzon dahil sa Severe Tropical Storm Florita.
Ito ang inanunsyo ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa isang pulong balitaan sa Malakanyang ngayong araw, Agosto 23.
Ani Cruz-Angeles, suspendido ang trabaho sa lahat ng government offices maliban sa frontline agencies na nagbibigay ng emergency services.
Kinansela rin ang klase sa public shools sa lahat ng lebel.
Ang suspensyon ay epektibong ipatutupad ngayong araw hanggang bukas, Agosto 24.
Partikular na ipinag-utos ni PBBM ang work at class suspension sa mga apektadong lugar gaya ng National Capital Region, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales at Bataan.
Samantala, sa pribadong sektor ay nasa diskresyon na ito ng employers ganoon din sa private schools, subalit rekomendado na isususpinde na rin ang pasok.
Inihayag ng press secretary na maaaring magdala ng panganib sa publiko ang matinding buhos ng ulan base sa rekomendasyon ng Office of Civil Defense.
“Unang-una, I suppose you’ve heard nag-isyu na kami ng announcement na ang trabaho at saka pasok sa lahat ng lebel in the public sector ay suspendido na po today and tomorrow. Sa pribadong sektor, base yun sa diskresyon ng employers, pero rekomendado na isususpinde na rin,” ani Cruz-Angeles.
Samantala, noong araw ng Linggo pa lang ay nagsimula na ang malawakang paghahanda ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) para sa bagyong Florita.
Ito ang inihayag ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal sa Laging Handa public briefing.
“Noong naging bagyo siya, kaagad pong nagpatawag ang ating NDRRMC ng pulong para po maipaalala sa lahat ng local government units, mga national government agencies and regional disaster councils iyong mga karampatang paghahanda po para sa bagyo na ganitong proportions,” ayon kay Timbal.
Saysay ni Timbal, tinututukan ng ahensiya ang mga lugar na landslide-prone at flood-prone na tatahakin ng bagyo sa North Luzon.
Kung matatandaan, marami sa lugar na binabagyo ngayon ay niyanig ng lindol nitong nakalipas na mga linggo.
Ani Timbal, mataas ang tsansa ng pagguho ng lupa sa mga naturang lugar lalo na doon sa kabundukan.
Kaya ipinaalala ng NDRRMC sa disaster managers at local government units ang pagsasagawa ng maagap na evacuation activities.
Kasama rin ang pag-imbentaryo sa mga relief item na kakailanganin pati ang pag-preposition ng mga kakailanganing kagamitan, mga search-and-rescue teams at road clearing operations equipment at personnels sa mga apektadong lugar.
“As of this time po, ang ating family food packs na ready for deployment para pantulong sa local government units natin sa kanilang operations ay nasa 480,000 units na puwede nating gamitin at mayroon pa po tayong more than 800 million pesos of standby funding na puwede nating maipantulong,” ani Timbal.
Dagdag pa ni Timbal, may deployment na rin ng law and order cluster at mga kapulisan para pangalagaan ang mga nasa evacuation centers.
May nakataas na ring babala sa pamamagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) na wala munang pinapalaot o pinapayagang pumalaot na mga mangingisda at mga biyaheng pandagat sa eastern seaboard at saka sa northern waters dahil sa bagyo.
Samantala, tiniyak naman ni Pangulong Marcos na mahigpit niyang minomonitor ang sitwasyon sa mga lugar kung saan nanalasa ang bagyong Florita partikular sa Northern Luzon.