‘Sustainability’ ng P45/kg na bigas sa Kadiwa centers, kinuwestiyon ng SINAG

‘Sustainability’ ng P45/kg na bigas sa Kadiwa centers, kinuwestiyon ng SINAG

HINDI kumbinsido ang isang grupo ng sektor ng agrikultura sa ‘sustainability’ ng P45 kada kilo na bigas na ibinebenta ng Department of Agriculture (DA) sa Kadiwa centers.

Hindi umano kikita ang mga magsasaka sa presyong aprubado ng ahensiya.

Maaga pa lang ay pumila na si Aling Shoeline sa tanggapan ng Bureau of Plant Industry, na isa sa mga Kadiwa centers sa Maynila, para bumili ng murang bigas.

Nagsimula na kasi ngayong araw ng Huwebes ang bentahan ng P45 kada kilo ng well-milled rice sa apat na piling Kadiwa sites.

Dalawang kilo ng bigas lang ang binili ni Aling Shoeline para sana masubukan bago bumili ng maramihan.

“May mga feedback na alam niyo na kapag mababa ‘yung price hindi raw maganda. So, itra-try ko muna,” ayon kay Shoeline Lagura, Mamimili.

Ang Rice for All program ng ahensiya, bukas sa lahat ng Pilipino – ibig sabihin kahit ‘yung mga hindi pasok sa vulnerable sectors ay maaari na ring makabili.

Si Nanay Maria hindi kampanteng bumili ng well-milled rice sa halagang P45/kg – hindi aniya dahil mas mahal ito kaysa sa P29 ngunit para sa kaniya – hindi maganda ang kalidad ng bigas.

“’Yung P45, durog siya kasi nung minsan kasi one-time na try ko ‘yan sa palengke nakabili ako ng durog nung sinaing ko ‘yung iba hindi luto, ‘yung iba luto,” wika ni Maria dela Cruz Dingman, Mamimili.

Ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kinuwestiyon ang ‘sustainability’ ng programa dahil kung tutuusin hindi naman anila kikita ang mga trader.

Sinabi ni Jayson Cainglet, hanggang kailan kayang magbenta ng mga trader at partner farmer cooperatives ng bigas sa halagang P45/kg.

“Basically ‘yung 29 o kahit ‘yung 45 ‘yung 29 you are subsidizing P17 per kilo to achieve the 29. ‘Yung 45 naman again willing ba ang traders na ibenta ito sa ganitong presyo where they can sell at 48 and 54 kasi ‘yun ang current milling ng well-milled at tsaka at regular milled rice.”

“Medyo worried din tayo kung gaano karami ‘yung volume kasi kahit sa P29 lumiliit ‘yung nabebentang bigas,” saad ni Jayson Cainget, Executive Director, SINAG.

Dagdag pa ni Cainglet, sa landed costs pa nga lang ay mataas na ang presyo dahilan kaya umaabot sa higit P45 ang bentahan ng bigas sa mga pamilihan.

“Wait and see lahat tapos kahit ‘yung landed costs nitong mga imported rice sa computations natin lalabas na P47 pa rin, P45 to P47 pa rin. So, if they will sell it for P45 medyo mababawasan talaga ‘yung tubo or profit nila sa P45 as compared if they can sell up P48 to P54 or P56.”

“So, willing ang mga trader na magbenta sa ganong presyo sa regular market basta maibebenta nila ito ng mataas,” dagdag ni Cainget.

Sabi ng mga opisyal ng DA maaari naman magbago ang presyuhan ng bentahan nila ng well-milled rice sa Kadiwa.

Ito ay magdedepende sa magiging presyuhan ng mga trader at farmer coop.

“Both the P29 at itong Rice for All ay part ng information na kinukuha namin dito ay under the large-scale trial is to determine if there will be possible instances kung magkaroon ng adjustments sa prices, depende ‘yan,” pahayag ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

“’Yung una nga nating rollout ay P48 ‘yan. Ganyan din nila pinapasa sa atin, mas bababa ngayon ina-adjust din natin as come. ‘Yung sa 45 hindi ko ‘yun kumbaga nakadepende ‘yun pero nasa range ‘yan ng 45 to 48. Puwede pang bumababa sa 40 depende sa magiging prices natin,” wika ni Sec. Genevieve Velicaria-Guevarra.

Ayon sa ilang mga grupo ng mga magsasaka band-aid solution lang ito ng gobyerno.

Dahil hindi pa rin kayang maibaba ng pamahalaan ang bigas sa mas murang halaga.

“It’s a not a band-aid solution, matagal na itong na plano ‘yung hakbangin para mapababa ang presyo ng bigas,” ani De Mesa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble