PINAG-IINGAT ngayon ng Philippine Chamber of Telecommunication Operators (PCTO) ang publiko sa panibagong bugso ng messaging scam sa pamamagitan ng text at email.
Ito ay sa kabila ng filtering system na ipinatutupad ng iba’t ibang Telecommunication o Telco.
Ayon sa PCTO, ang sistema na ginagawa ngayon ng mga scammer o cybercriminal ay nakababahala dahil kayang-kaya nitong pasukin ang mga barrier o filter na inilagay ng mga Telco para pigilan ang pagpasok ng mga text scam gamit ang mga imported spoofing device, foreign sim card, at fake cell towers.
Kaugnay nito ay hinihikayat din ng nasabing grupo ang pamahalaan at mga industry player na magtulungan para masawata ang umano’y sindikato sa likod ng kumakalat na mga text scam.
Payo rin ng grupo sa publiko na huwag basta-basta maniniwala at makikipag-ugnayan sa natatanggap na text at mag-click sa mga link mula sa kahit na anong platform.