The Original 1980’s Marcos Loyalist binawi ang suporta kay PBBM

The Original 1980’s Marcos Loyalist binawi ang suporta kay PBBM

HINDI na napigilan ng The Original 1980’s Marcos Loyalist ang magsalita kaugnay ng kasalukuyang sitwasyon sa bansa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Hindi na anila kasi makatao ang gobyerno ngayon.

Sobra-sobra na ang panggigipit at pamumulitika ng administrasyon lalo na sa mga taong nagpapahayag lang ng kanilang saloobin laban sa pamahalaan.

Dismayado ang grupo dahil hindi ito ang inaasahan nilang pamamahala—malayong-malayo nga kung ikukumpara sa naging pamumuno noon ni Marcos Sr.

“Kami po ay nagising sa katotohanan na walang patutunguhan ang ating bansa sa isang incompetent leader. ‘Yan ang katotohanan kung bakit naririto ngayon upang ipahayag in public ang aming withdrawal of support sa Pangulong BBM na ‘yan,” ayon kay Ferdinand delos Reyes, nag-withdraw ng suporta kay Marcos Jr.

Anila, inakala nila na ang pagbabalik ng suporta sa pamilyang Marcos, lalo na kay Pangulong Bongbong, ang magiging susi sa pagtubos at pagbangon ng nadungisang pangalan pero tila isa itong malaking pagkakamali.

Ngunit kabaliktaran pala ang nangyari sa pamumuno ng nakababatang Marcos.

Lumalalang kagutuman, kahirapan, kakulangan sa edukasyon, mga pangakong hindi matupad-tupad, mataas na presyo ng bilihin, at ang umano’y talamak na korapsiyon.

Bigo rin aniyang tuparin ni Marcos Jr. ang sinasabing tunay na pagbabago at tunay na pagkakaisa para sana sa ikauunlad ng bansa.

“Pakiusap ko po sa inyo, maawa naman po kayo sa bansang Pilipinas. Mayaman sana tayo subalit dahil sa pangungurakot ng ilang politiko diyan ay nagdudusa ang ating bansa at pabulusok pababa,” giit ni Delos Reyes.

Malaking kaibahan nga anila talaga ang pamumuno ngayon ni Marcos Jr. kung ikukumpara kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na ngayo’y nasa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, matapos ipagkanulo ng administrasyon sa banyaga.

“Unang-una sa ating tinatawag na security, ibang-iba talaga sa panahon ni dating Pangulong Duterte, nakakalakad kayo na maginhawa ang loob ninyo, mga anak ninyo na kahit umuwi ng gabi ay panatag kayo kasi safety ang anak ninyo.”

“’Yung infrastructure ‘yung ginawa ni Pangulong Duterte sa kanyang panahon na Build, Build, Build,” ayon kay Col. Jonathan Galang, Ret. nag-withdraw ng suporta kay Marcos Jr.

Ang noo’y pangako ni Marcos Jr. na ipagpapatuloy ang mga nagawa ng dating administrasyon ay hindi naman nakita sa kasalukuyang pamumuno.

Kung hahayaan anila na manatili sa posisyon si Marcos Jr., ay puro problema lamang ang idudulot nito sa bansa at sa mamamayang Pilipino.

“Hindi birong problema na po, sabi nga kahit saan ka lumabas ngayon ang gulo na ng Pilipinas. Ipinaulo tayo sa pagsisinungaling, binuhay tayo sa paglilinlang at panloloko. Bangag at bulok ang gobyernong ito sa ngayon,” wika ni Roland Jota, nag-withdraw ng suporta kay Marcos Jr.

Naniniwala ang dating mga taga-suporta ni Marcos Jr. na kung hindi sila titindig sa tama at magsasalita ng katotohanan, ay lalo lamang magiging kaawa-awa ang Pilipinas.

Kaya, solid Duterte na lamang sila.

“Walang pupuntahan ang ating gobyerno ngayon, itong administrasyon na ito, wala akong makita na magandang pupuntahan ang bansang Pilipinas. Sinusuportahan ko ang Pangulong Duterte dahil nakita ko ang kanyang katotohanan at ang kanyang puso para sa bayang Pilipinas,” pahayag ni Col. Segundo Metran Jr, Ret., Commander, Filipino Guerilla Forces.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble