Tolentino nanawagan sa DOT para sa transition fund at mekanismo ng turismo sa Sulu

Tolentino nanawagan sa DOT para sa transition fund at mekanismo ng turismo sa Sulu

NANAWAGAN si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa Department of Tourism (DOT) na maglatag ng transition fund at mekanismo para sa promosyon ng turismo sa Sulu sa nalalabing bahagi ng taon, gayundin ang paglilipat ng probinsiya sa hurisdiksiyon ng Zamboanga Peninsula Region (Region IX).

Magugunita na si Tolentino ang pirming nangalampag sa pamahalaan para lumikha ng Sulu Transition Fund sa iba’t ibang departamento ng gobyerno. Ito’y matapos ibaba ng Korte Suprema ang utos na ihiwalay sa probinsiya mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Bilang tugon kay Tolentino, ibinahagi ni DOT Secretary Christina Garcia-Frasco na bumuo na ang ahensiya ng isang technical working group. Binanggit din nito ang isang kahalintulad na kaso noong buuin ang Negros Island Region (NIR).

Hinimok din ng senador na pagtuunan din ng DOT ang lalawigan ng Tawi-Tawi, lalo na’t kakapasa pa lang sa Senado ng panukala para ideklara ang ‘Sheikh Karim’ul Makhdum Day’ sa naturang lalawigan.

Pagdidiin ng senador, malaki ang maiaambag ng panukala sa promosyon ng tradisyon at kultura ng mga kapatid na Muslim, dahil kinikilala rin nito ang pagkakatatag sa pinakaunang mosque sa kasaysayan ng bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble