NASA mahigit 20 kompanya mula sa Singapore ang naghahanap ng oportunidad na magtayo ng negosyo sa Pilipinas.
Sa panayam kay Mr. Dave Tan ng DCSC, Singapore Asia Group, iba’t ibang industriya mula sa Singapore ang kanilang dadalhin sa Pilipinas sa larangan ng pagnenegosyo, gaya sa construction and services at iba pa.
Ang pahayag ni Tan ay kasabay sa isinagawang Singapore-Philippines SME Business Synergy Conference na sinimulan, araw ng Huwebes, Pebrero 29 hanggang Marso 2, 2024.
Ang tatlong araw na business networking conference na isinagawa sa isang hotel sa Pasay City ay naglalayong palakasin ang koneksiyon, kolaborasiyon at partnership ng Small and Medium-Sized Enterprises (SMEs) ng Singapore at Pilipinas.
Para kay Tan, kung naging matagumpay ang naturang conference ay maghihikayat pa siya ng maraming kompanya mula sa Singapore na magnegosyo sa Pilipinas.
Ang SME Business Synergy ay isang business matching event na nag-aalok ng pagkakataon upang tulungan ang mga SME sa parehong bansa sa pagtuklas ng mga posibilidad, pakikipagtulungan, at pag-tap sa mga prospect ng business development sa pamamagitan ng business matching at networking.
Ang kaganapan ay inorganisa ng DCSC Holding mula sa Singapore kasama ang local counterparts at government ng Pasay City.
Kabilang sa mga kalahok ay ang Department of Trade and Industry (DTI), Members of the Philippine Chamber of Commerce and the Local Economic and Promotions Office (LEIPO), at iba pang LGUs.
Ang kaganapan ay nakahanda na maging isang platform kung saan ang mga negosyante, may-ari ng negosyo, at mga pinuno ng industriya ay magsasama-sama upang tuklasin ang mga bagong pagkakataon, at bumuo ng mga mahahalagang koneksiyon.
Ang pangkalahatang layunin ay lumikha ng cooperative connections at business opportunities na parehong makikinabang ang mga negosyante sa Singapore at Pilipinas.
Welcome naman para kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at Counsilor Joey Calixto ang ginawang inisiyatibo ng mga negosyante sa Singapore.
Naniniwala rin ang mga opisyal ng lungsod na malaki ang maitutulong nito sa paglikha ng trabaho at pagnenegosyo hindi lamang sa mga Pasayeño kundi sa lahat ng mga Pilipino.
Sa ngayon, nasa mahigit apat na libong establisyemento ang nag-ooperate sa lungsod ng Pasay.