TUMAAS ang kabuuang transmission charge para sa buwan ng Mayo bunsod ng mas mataas na singil sa ancillary services ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Posible umano itong makaapekto sa electricity bill ngayong Hunyo.
Ayon sa NGCP, umakyat sa 4.6% ang kabuuang transmission rates mula sa P1.0978 kada kilowatt-hour noong Abril tungo sa P1.1482/KWH noong Mayo.
Tumaas naman ang ancillary services ng halos 9.3%, mula ₱0.5175 tungo sa ₱0.5655 kada kilowatt-hour noong Mayo.
Ang ancillary services ay ginagamit para mapanatiling matatag ang power grid—kasama na rito ang frequency regulation, spinning reserve, at iba pa. Ito ay ipinapasa ng NGCP sa mga power generators.
Samantala, bahagyang bumaba ang transmission wheeling rate, ngunit hindi sapat upang balansehin ang pagtaas ng bayad sa ancillary services.
Nilinaw ng NGCP na ang ancillary services na ginagamit upang mapanatili ang katatagan ng power grid sa gitna ng pabago-bagong suplay at demand ay pass-through charges lamang.
Ibig sabihin, ang NGCP ay tagasingil lamang ng bayad at agad itong ipinapasa sa mga service provider.
Payo naman ng Energy experts na maging mapagmatyag sa mga pagbabago sa singil sa kuryente, habang patuloy na mino-monitor ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang galaw ng presyo sa transmission services.