Treasure hunting, ipagbabawal sa Davao Occidental

Treasure hunting, ipagbabawal sa Davao Occidental

TAHASANG ipinahayag ni Davao Occidental Governor Claude Bautista na hindi na papayagan ang anumang uri ng treasure hunting sa buong probinsya.

Ito ayon sa gobernador, ito ay dahil sa gulo na idinulot ng tangkang pagrekober ng umanoy gold bars sa Barangay Kalbay, bayan ng Jose Abad Santos sa nasabing probinsya.

Ayon kay Gov. Bautista, mayroong grupo na nagnanais pumasok sa lugar upang hanapin ang diumano’y mga bara bara ng ginto sa bulubundukin ng Brgy. Kalbay.

Iginiit ng gobernador, walang malinaw na pupuntahan ang grupo bukod pa sa pagmamay-ari ng isang pribadong indibidwal ang bahagi ng lupa sa Brgy. Kalbay na planong hukayin.

Sa panayam sa gobernador, napag-alaman na isang nagngangalang Gregorio Day, na umano’y representante ng mga indigenous people sa probinsya,  ang nagsilbing guide at nag-donate ng ekta-ektaryang lupa sa grupo bagama’t wala namang kapangyarihan na gawin ito.

Bukod dito ay nais ding tiyakin ni Bautista kung totoo ang pinapakitang umano’y permit ng grupo mula sa national museum para magsagawa ng treasure hunting sa probinsya.

Paalala ng gobernador na hindi agad magpapaniwala kung mayroong nagpo-post sa social media ng bara ng ginto o nangangako na mayroon umanong mahuhukay na kayamanan sa kanilang lugar .

Dagdag pa rito, hindi rin anya nararapat ang ganitong aktibidad lalot sa panahon ng pandemya dulot ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, nagtakda ang Region 11 Inter Agency Task Force Against COVID-19 ng mga polisiya hinggil sa border control kung saan hinihigpitan ang pagpasok ng mga indibidwal na manggagaling sa labas ng rehiyon.

“Under sa IATF guidelines, any visitor or person that is not from the area, kailangan i-submit ang kanilang credentials, kung ano ang kanilang sadya, at binibigyan lang sila ng 24 oras para manatili sa lugar dahil sa COVID situation, para kasi sa akin, walang protocol ba, dumating sila dito, nagpa-escort, dahil lang sa attorney o general,” giit ng gobernador.

Ayon pa sa gobernador, base sa datos ang Davao Occidental ang may pinakamababang kaso ng COVID-19, kung kaya’t hindi niya hahayaan na masayang ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na makontrol ang pagkalat ng nakahahawang sakit.

“This is because of the incident that is happening and that happened already. Kailangang proteksyonan ko ang aking probinsya or else maging sarswela’t nakakahiya na ako ang gobernador dito tapos maraming maloko na tao sa labas pretending that there are treasures in this area,” pahayag ng gobernador.

Samantala, ang panukalang total ban sa treasure hunting, ay nakatakdang ipanukala at gawing ordinansa sa probinsya sa lalong madaling panahon.

(BASAHIN: Diarrhea outbreak sa Davao Occidental, 1 patay; 33 naospital)D

SMNI NEWS