Tree planting activity at feeding program, pinangunahan ng PNACG sa Gamu, Isabela

Tree planting activity at feeding program, pinangunahan ng PNACG sa Gamu, Isabela

ISANG makabuluhang aktibidad ang pinangunahan ng Philippine National Anti-Crime Group (PNACG), na may malaking ambag sa kumunidad ng Brgy. Dammao, sa bayan ng Gamu, Isabela.

Ang tree planting activity at feeding program ay isinagawa bilang bahagi sa kaarawan at taunang adbokasiya ni PNACG National Vice Chairman for Planning and Development Engr. Cherwin Chester Fermin.

Nasa 500 puno ng Narra at Molave ang sama-samang itinanim sa nasabing barangay na dinaluhan ng PNACG Region 2 sa pangunguna ni Chairman Chief Armando Alaska, katuwang ang Armor Rapido o 1st Cavalry Company ng Phil. Army, mga kawani ng DepEd, mga Barangay officials at kinatawan mula sa tanggapan ni Gamu Municipal Vice Mayor Mitzi Cumigad.

Makikita ang saya sa ngiti ng bawat volunteer dahil batid nilang malaking tulong ang pagtatanim ng puno para sa kalikasan at magiging kapakinabang ito ng komunidad laban sa epekto ng climate change.

Pagpapatunay rin uman ito ayon kay 1st Lieutenant John Lester Gonzales, Executive officer ng 1st Cavalry Company, Armor Division ng Phil. Army ng magandang samahan mula sa iba’t ibang organisasyon para pahalagahan at matulungan ang Inang Kalikasan.

Samantala, isang masustansiya at masarap na pagkain naman ang inihain at pinagsaluhan ng nasa 300 mga bata sa isinagawang feeding program na ginanap sa Dammao Community Center.

Para naman kay Teacher Alona Arenajo ng Dammao Elementary School ang mga ganitong aktibidad dahil bukod sa may mabuting dulot ito sa kalusugan, ay nagkakaroon pa ng motibasyon ang mga bata upang na mag-aral nang mabuti.

Nagtapos naman ang masayang aktibidad sa pamamagitan ng isang boodle fight na tanda ng pagkakaisa at magandang samahan ng grupo.

Follow SMNI NEWS on Twitter