Trese anyos na Egyptian terrorist, sumuko sa militar sa Jolo, Sulu

Trese anyos na Egyptian terrorist, sumuko sa militar sa Jolo, Sulu

TULUYAN nang sumuko sa poder ng mga militar sa Jolo Sulu ang isang trese anyos na banyagang terorista matapos na ito’y maulila ng kaniyang pamilya.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng 1103rd Infantry “Kalis” Brigade, Camp Bud Datu, Brgy. Tagbak, Indanan, Sulu ang isang trese anyos na Egyptian terrorist matapos itong magdesisyong sumuko sa mga awtoridad araw ng Miyerkules, Hunyo 14, 2023.

Ayon sa militar, ito na ang pinakabatang terorista na sumuko sa kanila na kinilalang si Elnekhily Ibrahim Hamada Mohamed.

Batay sa impormasyon, taong 2017 nang dumating ang pamilya ni Ibrahim bilang mga turista at kalauna’y sumali ito sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan at lumipat sa Sulu para sumapi sa lider ng ASG na si Hatid Hadjan Swadjaan sa sumunod na taong 2018.

Nabatid na sampung pa lang noon si Ibrahim nang umanib na ito sa teroristang grupo at sumama na rin sa iba’t ibang operasyon at mga engkuwentro sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan.

“Ibrahim is a 13-year-old Egyptian national believed to have entered the country in 2017 as tourist through the Manila International Airport with his stepfather, mother and two brothers. They initially joined the ASG in Basilan in 2017 and then transferred to Sulu to join ASG Leader Hatid Hadjan Sawadjaan in 2018. Ibrahim joined the ASG as a juvenile 10-year-old fighter and was involved in numerous encounters in Sulu sustaining two injuries in the head and right forearm,” ayon kay Col. Christopher Tampus, Commander, 1103RD IB, PA.

Maagang naulila si Ibrahim matapos na pasabugin ng kaniyang inang si Reda Mohammad Mahmud ang sarili nito sa isang checkpoint sa Km 3, Brgy. Kajatian, Indanan, Sulu noong Seytembre 2019.

Habang ang ama-amahan naman nito na si Abdurami at kapatid niyang si Abdurahman ay parehong namatay sa isang engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan sa Brgy. Kan Islam, Idananan, Sulu noong Nobyembre 2019.

Namatay rin ang isa pang kapatid ni Ibrahim na si Yusof sa isa pang encounter sa mga militar noong taon 2021 sa Patikul Sulu.

“Ibrahim’s mother Reda Mohammad Mahmud blew herself as a suicide bomber while attacking an AFP checkpoint in Km 3, Barangay Kajatian, Indanan, Sulu on September 8, 2019. Ibrahim’s stepfather, Abduramil and brother Abdurahman died in an encounter with AFP troops in Barangay Kan Islam, Indanan, Sulu on November 7, 2019. Another brother, Yusof was killed in an encounter with AFP troops on April 17, 2021, in Igasan, Patikul, Sulu,” dagdag ni Tampus.

Paliwanag ni Ibrahim, ang buong akala nito ay mamamasyal lang sila sa Pilipinas pero sa Abu Sayyaf pala ang kanilang magiging buhay na naging dahilan ng kaniyang pagtatampo sa pamilya.

“Akala ko mamasyal lang kami sa Pilipinas pero sa Abu Sayyaf pala kami napunta kaya may tampo ako sa mama ko,” salaysay ni Elnekhily Ibrahim Hamada Mohamed, Surrenderee.

Bukod naman kay Ibrahim, isa pang Abu Sayyaf Group sub leader ang sumuko sa mga militar sa katauhan ni Moreso, Ellam Abduraji Panduga, 27 anyos, residente ng Brgy. Danag, Patikul, Sulu na kilala bilang close-in security ng senior leader nito na si Radullan Sahiron alyas Magang.

Batay sa impormasyon, kinse anyos lang din si Moreso nang ma-recruit ng nasabing teroristang grupo.

Kasabay nito ang pagtitiyak ng pamahalaan ang mga benepisyo para sa kanila hanggang sa makamit ng mga ito ang tunay na kapayapaan sa buhay kasama ng kanilang mga mahal sa buhay.

“We will assure that the former terrorists will benefit from the program of the government and we continue to urge the remaining members of the LTGs to choose the path of peace to feel and enjoy a decent life,” pahayag ni Maj. Gen. Ignatius N. Patrimonio, Commander, 11th Infantry “Alakdan” Division.

Nito lamang nakaraan nang masawi ang ISI Philippines at ISI East Asia leader na Abu Zacharia sa isang engkuwentro sa Lanao del Sur.

Ayon sa AFP, malaking bagay ito sa tuluy-tuloy na paghina ng puwersa ng mga local terrorist sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter