ISANG mahalagang pulong ang isinagawa sa pagitan ng mga kinatawan mula sa Technological University of the Philippines – Taguig (TUPT) at ng DENR Metropolitan Environmental Office South (MEO-South).
Ang pulong ay naganap sa opisina ng MEO-South at sa Las Piñas–Parañaque Wetland Park (LPPWP), kung saan tinalakay ang mga plano para sa mga hinaharap na kolaborasyon at aktibidad na magpapalakas sa mga hakbang para sa pangangalaga ng kalikasan at mga lokal na komunidad.
Pinangunahan ng mga kinatawan mula sa TUPT, sina Dr. Norway J. Pangan, Ma. Victoria M. Camento, at Lieda A. Soloida, ang pagtalakay sa mga planong kolaborasyon kasama ang MEO-South, na pinangunahan naman ni Ms. Renz Marion Gamido.
Napag-usapan ang pagpapalawak ng mga aktibidad na magtataguyod ng pangangalaga ng mangrove ecosystems at iba pang mahahalagang natural na yaman sa LPPWP. Sa isang bahagi ng pulong, nakapanayam nila si Assistant Protected Area Superintendent Diego Montesclaros na nagbahagi ng kanyang mga kaalaman ukol sa kahalagahan ng pangangalaga sa mga bakawan bilang proteksyon laban sa pagbaha at bilang tahanan ng mayamang biodiversity.
Isa sa mga pangunahing paksa ng pulong ay ang mga coastal clean-up drive na isasagawa sa LPPWP. Binigyang-diin ng mga kasapi ng pulong na ang mga gawaing ito ay hindi lamang layuning mapanatili ang kalinisan ng mga baybayin, kundi isang pagkakataon na rin para sa pagpapalaganap ng kamalayan tungkol sa tamang pangangalaga ng kapaligiran. Tinalakay ang mga estratehiya upang mapalakas ang partisipasyon ng mga estudyante, guro, at iba pang boluntaryo sa mga programang ito.
Isa pang mahalagang bahagi ng pulong ay ang pagtalakay ng mga sustainable livelihood programs para sa mga lokal na komunidad sa Taguig City. Ang mga programang ito ay magbibigay ng pagsasanay at kaalaman sa mga residente upang magkaroon ng pangmatagalang kabuhayan na hindi nakakasira sa kalikasan, kaya’t makikinabang ang mga tao at ang kalikasan sa parehong oras.
Nakatakda ring makipagpulong saibang organisasyon at institusyon ang MEO-South gaya ng MIT ChE-CHM Alumni Association, Inc., Rotary Club of Marikina Hilltop, at Mapúa University School of Chemical, Biological, and Materials Engineering and Sciences. Ang tanggapan ay makikipagtulungan sa kanila upang mas mapalawak at mapabuti ang mga proyekto at mas maging epektibo ang implementasyon ng mga programang pagkapaligiran.
Editor’s Note: This article has been sourced from the DENR National Capital Region Philippines Facebook Page.