BIBISITA sa susunod na linggo sa Washington D.C. si Ukrainian President Volodymyr Zelensky.
Sa kaniyang pagbisita sa Estados Unidos, inaasahang makikipagpulong si Zelensky sa mga mambabatas ng U.S at posible ring makabisita sa Capitol Hill at White House.
Ang posibleng pagbabalik ni Zelensky sa U.S ay maaaring dahil sa nangyayaring kaguluhan sa pagpopondo ng US government na nagsimula sa debate kaugnay sa suporta nito sa Ukraine.
Napag-alaman na humingi ng karagdagang 40-B dolyar ang White House para sa suporta sa Ukraine na mahigpit namang tinututulan ng ilang Republicans na gusto nang itigil ito.
Matatandaan na huling bumisita si Zelensky sa Estados Unidos noong Disyembre 2022 kung saan nakipagpulong ito kay President Joe Biden at nagsalita sa isang joint meeting ng U.S Congress.