INIHAYAG ng Department of Budget and Management (DBM) na sinisikap ng ilang ahensiya ng gobyerno na ipatupad ang catch up plans para lubos na magamit ang kanilang budget upang gumanda ang spending performance ng bawat kagawaran.
Ang mababang disbursements ng national government ay kabilang sa mga tinukoy na dahilan ng hindi gaanong mahusay na pagganap ng ekonomiya o mas mabagal na economic growth noong ikalawang kwarter ng 2023.
Ang ‘underspending’ ay tinukoy bilang pagkakaiba ng mga naka-program na disbursement mula sa aktuwal na disbursement.
Kaya naman, gumawa ng mga hakbang ang mga ahensiya para maiwasan ang panibagong ‘underspending’ na naranasan ng bansa noong first half ng 2023.
“On the part of the budget execution, yes there was some kind of a decline last year in terms of spending. But the agencies were able to provide catch-up plan by third and fourth quarter,” ayon kay Sec. Amenah Pangandaman, DBM.
Pero ngayong 2024, tiniyak ng DBM na matutugunan ng pambansang pamahalaan ang isyu ng underspending.
Sa Philippine Economic Briefing (PEB), sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na mababawasan ang underspending sa ikalawang quarter ngayong taon dahil sa agarang pagpapalabas ng mga allotment sa mga ahensiya ng gobyerno noong Enero.
Sabi ni Pangandaman, magbibigay-daan ito sa napapanahon at pinabilis na pagpapatupad ng kanilang mga priority programs and projects kasama sa Fiscal Year 2024 National Budget.
Iniulat din ng kalihim na sa pagtatapos ng Abril, higit sa 80 porsiyento ng budget ng FY 2024 ang nailabas na.
Binanggit niya ang mga pagbabagong ginawa para matiyak ang mas mahusay na paggasta at disbursement ng gobyerno.
Binigyang-diin dito ng Budget Chief ang ratipikasyon ng Bicameral Report on the New Government Procurement Act (NGPA) bilang isang mahalagang hakbang para matugunan ang underspending dahil nai-institutionalize nito ang pagsasagawa ng maagang procurement activities.
“Because before it was only a circular from the Department of Budget and Management. Now, agencies can already bid out their projects by the time we issue the National Expenditure Program to Congress. By the time we have our General Appropriations Act, they can already award the same,” ani Pangandaman.
Ang pag-digitize ng burukrasya ay isa pang mahalagang hakbang para matugunan ang underspending na ibinahagi ng DBM secretary.
Para sa FY 2024, mahigit doble ang kabuuang digitalization budget na nasa P64.6-B, mas mataas ng 159.1 percent kumpara sa P24.93-B budget noong 2023.
“We expect those amounts will increase efficiency in terms of government spending and implementation of their projects,” dagdag pa ni Pangandaman.
Kung matatandaan, iniulat ng economic managers noong Agosto ng nakaraang taon ang patungkol sa ilang departamento na napabilang sa kategorya ng underspending.
Kabilang sa mga nangungunang ahensiya na may mababang budget utilization rate ay ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE), at Department of Tourism (DOT).