Universal Guardians Brotherhood suportado ang senatorial bid ni Pastor Apollo Quiboloy

Universal Guardians Brotherhood suportado ang senatorial bid ni Pastor Apollo Quiboloy

HINANGAAN ng Universal Guardians Brotherhood (UGB) ang mga plataporma na inilatag ni Pastor Apollo C. Quiboloy para sa mga mahihirap, kaya’t ipinahayag nila ang kanilang walang-kundisyong suporta sa kaniyang kandidatura.

Ayon kay Melvin “Bong” Contapay, presidente ng UGB at Unyon ng mga Gabay ng Bayan (UGB) Party-list 1st Nominee, ang mga layunin ni Pastor Quiboloy ay tumutugma sa adhikain ng kanilang grupo na makatulong sa masang Pilipino.

“Talagang nakita ko ang kanyang puso na para sa mahirap. Kasi itong Guardians, ito ‘yung mga totoong masang Pilipino, walang mayaman dito, mga ordinaryong mamamayan ito.”

“Kaya ako, pag-upo ko sa Kongreso, hopefully nandoon din sina Pastor sa Senado, sina Senador Bong Go, Senador Bato. Lalapit ako sa kanila kasi ang pinag-uusapan namin dito hindi pera. Ang Guardians, ‘pag tumulong, hindi pera ang pinag-uusapan. Prinsipyo po at serbisyo,” saad ni Melvin “Bong” Contapay, President, UGB at Unyon ng mga Gabay ng Bayan (UGB) Party-list 1st Nominee.

Nanindigan si Contapay na ang grupo ay buong-buo ang suporta kay Pastor Quiboloy, lalo na’t nakikita nila ang malalim na paglabag sa karapatang pantao at kawalan ng hustisya na nararanasan ng Butihing Pastor.

“Talagang the whole brotherhood will support Pastor Quiboloy kasi nakita natin ‘yung karapatan ng tao dito na violate, ‘yung freedom, ‘yung justice. So, the Guardians Brotherhood will help the candidacy of Pastor Quiboloy. Tutulong kami sa abot ng aming makakaya,” saad pa ni Contapay.

Giit ni Contapay, mahirap paniwalaan ang mga kuwento kaysa sa mga aktwal na nangyayari, kaya’t binigyang-diin niyang si Pastor Quiboloy ay isang biktima ng kawalan ng katarungan sa bansa. Aniya, marami ang may kasalanan, at may mga kasong hindi pa natutuldukan, ngunit bakit ang isang tao na hindi pa napapatunayan ang mga akusasyon, tulad ni Pastor Quiboloy, ay kailangang ikulong.

Samantala, kamakailan lang, nagkaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) signing sa pagitan ng Universal Guardians Brotherhood at mga senatorial candidates na ini-endorso ng grupo para sa May 2025 midterm elections. Ang MOA signing ay naganap sa gitna ng Guardians Proclamation Assembly sa Taguig City, na pinangunahan ng UGB Universal President Melvin Bong Contapay.

Isa si Pastor Quiboloy sa mga senatorial candidates na pormal na ini-endorso ng UGB, kasama sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Phillip Salvador, Atty. Jimmy Bondoc, Sen. Bong Go, Ret. Col. Ariel Querubin, Sen. Francis Tolentino, at iba pa.

Ayon kay Contapay, mayroong halos limang milyong miyembro ang Universal Guardians Brotherhood sa buong mundo, at idineklara nila ang Unyon ng mga Gabay ng Bayan (UGB) Party-list bilang official political party ng Guardians at opisyal na kandidato sa 2025 Party-list election.

Samantala, dumalo naman ang kinatawan at tagapagsalita ni Pastor Quiboloy na si Atty. Kaye Laurente sa MOA signing at nagbigay ng isang talumpati sa entablado.

Nagpasalamat ang kampo ni Pastor Quiboloy sa ipinahayag na suporta ng UGB sa kandidatura ng Butihing Pastor.

“Nagpapasalamat kami sa Universal Guardians Brotherhood sa overwhelming na support. Nakita naman natin nationwide po ang participants ng event na ito. Nakita natin na kasama po hindi lamang mga leaders kasali na rin po mga constituents at saka representatives po sa buong UGB Philippines.

At nakita po natin lalong-lalo na sa signing of Memorandum of Agreement na the same po ang adbokasiya na isinusulong ng UGB as well as ng PDP-Laban, lalong-lalo na sa public safety and rule of law, na-experience po ng Kingdom of Jesus Christ, ni Pastor Quiboloy ang injustice at nakita naman natin sa Memorandum of Understanding or Memorandum of Agreement na pareho po talaga ang puso ng UGB at ng PDP-Laban na isulong talaga natin na ibalik ang Constitutional rights, human rights ng bawat mamamayang Pilipino,” pahayag ni Atty. Kaye Laurente, Spokesperson of Pastor Apollo C. Quiboloy.

Binigyang-diin ni Atty. Laurente na ang adbokasiya ni Pastor Apollo ay kasing halaga ng adbokasiya ng UGB—ang isulong ang inclusive sustainable development, progressive social policy, political reform, at zero corruption.

Ayon kay Atty. Laurente, sa nalalapit na May 2025 midterm elections, napakahalaga na kilatisin ng mamamayan ang track record ng bawat kandidato bago pumili kung sino ang iboboto.

“Dapat magkaroon ng intelligent democracy. Sa pagpili po natin kung sino po ang iboto natin, tingnan nyo ang track record, ano ba ang nagawa nila. Sila ba ‘yung mga number 1 violator ng constitutional rights and basic rights, human rights natin o sila ba ‘yung defenders natin,” dagdag ni Atty. Laurente.

“Mahalaga po talaga na maging aware tayo number 1 sa social and national issues para makita rin po natin, ma-scrutinize din natin sino po ‘yung talagang nagmamahal sa bansa,” giit nito.

Ipinakita ng Universal Guardians Brotherhood (UGB) ang kanilang buong suporta kay Pastor Apollo C. Quiboloy, isang lider na may malasakit at dedikasyon para sa kapakanan ng bawat Pilipino.

Sa pamamagitan ng kanilang walang sawang pagtulong, muling ipinagdiwang ng UGB ang mga platapormang isinusulong ni Pastor Apollo, lalo na ang mga hakbang para sa katarungan at pagbabago sa ating bayan. Ang kanilang suporta ay hindi lamang para sa isang kandidato, kundi para sa isang lider na handang magsakripisyo para sa mas nakararami.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble