IGINIIT ng city government ng Quezon City na mahigpit na ipinagbabawal ang walk-ins sa kahit anong vaccination sites.
Ito ay upang maiwasan ang overcrowding na isa sa mga magiging dahilan ng transmission.
Base report na natanggap ng lokal na pamahalaan, ilang mga hindi rehistradong indibidwal ang nagsi-datingan sa mga vaccination area dahil hindi na pinapayagan ng mga kompanya ang mga unvaccinated employee .
Ikinaaalarma ng QC Health Department at ng QC Task Force Vax to Normal ang situwasyon habang kinondena naman ni Mayor Joy Belmonte ang mga pinagtratrabahuhan ng mga empleyado dahil nagpapakita ito ng diskriminasyon.
Binigyang diin ng alkalde, dapat maunawaan ng bawat employers na ang pagkaantala sa pagbabakuna ng kanilang mga empleyado ay dahil sa hindi sapat na suplay ng bakuna.
Aniya, sa sandaling maipadala ang mga ipinangakong karagdagang suplay ng COVID vaccine, tiyak na ang mga manggagawa ay agad na mababakunahan.
Sa inilabas na Labor Advisory No. 3 ng Department of Labor and Employment (DOLE) nakasaad dito na walang empleyado ang dapat ma-discriminate batay sa kanilang panunungkulan, promosyon, pagsasanay, bayad, at iba pang mga benepisyo mula sa trabaho para sa mga empleyado na tumanggi o nabigo na mabakunahan.
Pinaalalahanan naman ng alkalde ang mga hindi pa nakapagrehistro na essential economic workers na magparehistro na sa qceservices.quezoncity.gov.ph/qcvaxeasy upang sa darating na panibagong suplay ng vaccine ay mabibigyan agad ito ng schedule.
Matatandaan, nailunsad ng lokal na pamahalaan ang kauna-unahang bakuna nights sa bansa na kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa na mabakunahan sa gabi dahil kani-kanilang busy schedule sa umaga.
Bagama’t nasa ilalim ng ECQ ang Metro Manila ay patuloy pa rin ang ginagawang bakunahan ng lungsod batay na rin ito sa panuntunan na inirekomenda ng national government.
BASAHIN: Mga establisimyento sa Quezon City, obligadong ipatupad ang ‘KyusiPass’ bago ang Agosto 15