Visayas Regional Qualifying leg ng ROTC Games simula na sa May 26

Visayas Regional Qualifying leg ng ROTC Games simula na sa May 26

PANGUNGUNAHAN ni Senator Francis ‘Tol’ Tolentino ang pagbubukas ng Visayas Regional Qualifying Leg ng Philippine Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Games mula Mayo 26 hanggang Hunyo 1, 2024, sa Bacolod City.

Ang kompetisyon ngayong taon, na may temang “Husay ng ROTC, Husay ng Kabataan,” ay magpapakita ng natatanging kakayahan at dedikasyon ng kabataang Pilipino sa paglilingkod sa bayan.

Bilang Honorary Chairman ng ROTC Games, sinabi ni Tolentino na layunin ng ROTC Games na ipakita ang kahalagahan nito hindi lamang bilang isang plataporma ng pagsasanay militar para sa mga kadete, kundi pati na rin bilang isang paraan sa pagpapaigting ng patriotismo.

Mahigit 3,000 atleta mula sa Western Visayas, Central Visayas, at Eastern Visayas ang inaasahang lalahok, kaya’t inaasahan ang isang engrandeng pagpapakita ng talento, disiplina, at pagmamahal sa bayan.

Ang mga atleta ay makikipagpaligsahan sa aquatic/swimming, arnis, athletics, boxing, e-sports, kickboxing, sepak takraw, taekwondo, table tennis, volleyball, basketball, target shooting, chess, at raiders competition. Bukod dito, magkakaroon din ng Miss at Mister ROTC.

Ang qualifying leg sa Mindanao ay gaganapin sa Zamboanga City mula Hunyo 23 hanggang 29, habang ang qualifying leg sa Luzon ay gaganapin sa Indang, Cavite, mula Hulyo 28 hanggang Agosto 3.

Ang national championships ay itinakda sa Agosto 18 hanggang 24, na gaganapin din sa Indang, Cavite.

Follow SMNI NEWS on Twitter