PINABULAANAN ni VP at Education Secretary Sara Duterte ang umano’y rebranding na ginagawa ng Department of Education (DepEd) sa Martial Law.
Ayon kay Duterte na bilang Education Secretary, wala sa kaniyang mandato ang pagsira sa integridad ng kasaysayan.
“Bilang Education Secretary, wala po sa aking mandato ang pagsira sa integridad ng ating kasaysayan,” pahayag ni VP Sara.
Aniya na tulad ng iba, alam niya ang kahalagahan ng Martial Law at EDSA Revolution sa kasaysayan bilang isang bansa.
“Katulad ng milyon-milyon nating mga kapwa Pilipino, alam ko po ang kahalagahan ng Martial Law at EDSA Revolution sa ating kasaysayan bilang isang bansa,” ayon kay VP Sara.
Dagdag pa ni Duterte na ang DepEd ay abala sa mga programang naglalayong maiangat ang kalidad ng basic education sa Pilipinas.
Kaya aniya walang panahon ang kagawaran para sa historical revisionism na pilit na iginigiit aniya ng ilang mga anti-Marcos groups.
“At ang Department of Education — na kasalukuyang abala sa mga programang naglalayong maiangat ang kalidad ng basic education sa Pilipinas — ay walang panahon para sa historical revisionism na pilit na iginigiit ng ilang mga anti-Marcos groups,” aniya.
Kaya pagdidiin ni VP Sara Duterte, hindi totoo ang sinasabing rebranding ng kasaysayan.
“Una nang nasabi ng DepEd Spokesperson na hindi totoo ang sinasabing rebranding ng ating kasaysayan. At inuulit ko ang sinabi ni Atty. Michael Poa: hindi totoo ang rebranding,” ayon kay VP Sara.
Nag-ugat ang isyu mula sa isang social media post ng isang learner mula sa Marinduque ukol sa paggamit ng isang DepEd module na may katagang “New Society”.
Ayon kay Duterte, makikitang nakatutok lamang sa iisang linya at hindi ipinakita ang buong pahina ng module.
Ibig sabihin aniya na kulang ito sa konteksto at maaari itong baluktutin ayon sa naratibo ng mga bumabatikos sa DepEd at nagpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa rebranding at historical revisionism.
Dagdag pa ng Pangalawang Pangulo na buong pahina ay malinaw na tumatalakay sa mahabang panahon ng batas militar o Martial Law at ng EDSA Revolution.
Kaya hinikayat ni Duterte ang publiko na mag-ingat sa mga pagkilos na malisyoso at naglalayong pag-alabin ang mga damdamin ng mga kababayan laban sa Martial Law gamit ang DepEd.
“Hinihikayat ko ang lahat na mag-ingat sa mga pagkilos na malisyoso at naglalayong pag-alabin ang mga damdamin ng ating mga kababayan laban sa Martial Law gamit ang DepEd,” ani VP Sara.