VP Duterte, mariing kinondena ang pambobomba sa loob ng MSU sa Marawi

VP Duterte, mariing kinondena ang pambobomba sa loob ng MSU sa Marawi

IPINAABOT ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima ng pagsabog ng bomba sa loob ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong araw ng Linggo.

Kasabay nito ay kaniyang ipinahayag ang pagkondena sa nasabing pangyayari.

“Kasabay nito ay ang ating mahigpit na pagkondena na nangyaring pagpapasabog at sa mga tao o grupo na nasa likod nito. Ang mga nasawi at mga sugatan ay mga sibilyan. Nakakabahala na ito ay nangyari sa loob ng MSU compound sa isang Katolikong simbahan — sa isang bahagi ng bansa na may mahaba at madugong karanasan sa terorismo,” pahayag ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.

Dagdag pa ni VP Duterte na ang nasabing pambobomba ay isang gawaing mapangahas at karuwagan.

Publiko, pinaaalalahanan ni VP Duterte na maging mapagmatyag kasunod ng pambobomba sa loob ng MSU

Nanawagan naman ang pangalawang pangulo sa taumbayan na maging maingat at mapagmatyag kasunod ng nasabing pangyayari.

“Nananawagan ako sa lahat ng mga Pilipino, lalo na sa mga Mindanaoan, na maging mahinahon habang nagsasagawa ng imbistigasyon ang mga otoridad. Gayunpaman, kailangan rin nating maging maingat at maging mapagmatyag upang mapigilan natin ang mga maaaring susunod pang pag-atake sa mga sibilyan,” panawagan ni VP Duterte.

Kasamaan, huwag hayaang magtagumpay—VP Duterte

Inaala naman ni VP Duterte ang nangyaring pambobomba noong 2016 sa Roxas Night Market ng Davao City kung saan ilang sibilyan din ang nasawi.

Kaya aniya alam niya ang takot at sakit na dala ng karumaldumal na gawaing ito.

“Dapat ay maging matatag tayo sa harap ng mga hamon at patuloy na banta ng terorismo. Huwag nating hayaan na magtagumpay ang kasamaan laban sa bayang nagkakaisa para sa kapayapaan,” diin ni VP Duterte.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble