VP Sara, patuloy na magtatrabaho sa kabila ng ‘organized demolition job’ laban sa kaniya

VP Sara, patuloy na magtatrabaho sa kabila ng ‘organized demolition job’ laban sa kaniya

SA isang video message, inihayag ni Vice President Sara Duterte na isang black propaganda ang gagamitan laban sa kaniya ng mga taong nangangarap na makita siyang bigo sa pagtupad sa kaniyang sinumpaang tungkulin sa bayan.

Aniya mas nagiging matindi, mapangahas, at desperado na ang mga paninira sa kaniya ngayon.

“Bahagi ang mga ito ng isang organisadong demolition job na ang layunin ay sirain ang aking integridad at gumawa ng imahe na ako ay isang mamamatay-tao, na corrupt, abusado, taksil at isang war lord. Makikita natin ito sa pag-atake sa confidential funds, pagpapalaganap ng video sa Commonwealth traffic, paggawa ng issue sa pagtatag ng security para sa opisina ng Bise Presidente, paglabas ng testigo na umano’y ako ay kaparte ng Davao Death Squad, sa malisyosong ulat tungkol sa aking mga baril, at ang pambabastos sa relasyon namin ng aking asawa,” saad ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.

Dagdag pa ni Vice President Duterte na kamakailan din aniya ay nagsulputan ang mga online scam sa pera sa social media katulad ng scholarship o Pabaon program para sa mga mag-aaral.

Aniya sinisiraan lamang siya para pagdudahan, pahiyain, at panghinaan ng loob.

“Nais nilang isuko ko ang aking sinumpaang tungkulin na magsilbi sa bayan. Ayaw nilang magtagumpay tayo para sa edukasyon ng mga batang Pilipino at para sa kanilang kinabukasan na nanganganib sa kamay ng korapsiyon, kriminalidad, ilegal na droga, at terorismo,” dagdag ni VP Duterte.

Pero sa kabila nito aniya ay patuloy siyang magtatrabaho.

“Kahit sa lahat ng ito, maraming salamat sa inyong patuloy na suporta at pagmamahal. Magpapatuloy ako sa aking trabaho para sa kabutihan ng bansa,” aniya.

Sa huli, pinaalalahanan ni Vice President Duterte ang taumbyan na ang mga paninirang ito ay nagkukubli ng mga personal at politikal na interes.

Aniya ang mga ito ay hindi interes ng publiko, ng bayan, at ng Pilipinas. Hindi interes ng bayan, hindi ito interes ng Pilipinas.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble