NAKATAKDANG ihain ngayong araw ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang petisyon para palayain sina Ka Eric Celiz at Dr. Lorraine Badoy mula sa pagkakakulong sa detention facility ng Kamara.
Sa kaniyang pahayag, iginiit ni Roque na ilegal ang pagkakakulong ng dalawang anchor ng SMNI sa Kamara.
Dagdag pa ng dating tagapagsalita ng Palasyo, may karapatan ang Kamara na magpakulong ng kanilang resource persons pero dapat ay naaayon sa batas.
Paliwanag pa ni Roque, na dahil ilegal ang pagkakakulong kina Celiz at Badoy, isa ang paghahain ng writ of habeas corpus para mapalaya ang mga ito.
Matatandaan na na-cite in contempt si Badoy dahil sa hindi nito pagkakaalam sa mga advertisement na ini-ere sa kaniyang programa habang si Celiz naman ay ikinulong dahil sa hindi paglalahad ng pangalan ng kaniyang source ng impormasyon sa komite ng Kongreso.
Mamayang ala-una ng hapon ihahain ni Roque ang petisyon sa Korte Suprema kasama ang maybahay ni Celiz at asawa ni Badoy.
Umaasa si Roque na katigan ng Kataas-Taasang Hukuman ang kanilang petisyon para makalaya at makasama ng dalawang SMNI anchor ang kani-kanilang pamilya ngayong Kapaskuhan.