Writ of Habeas Corpus na inihain ng magkakapatid na Duterte sa SC, hindi moot and academic —Atty. Panelo

Writ of Habeas Corpus na inihain ng magkakapatid na Duterte sa SC, hindi moot and academic —Atty. Panelo

MULING iginiit ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na hindi moot and academic ang inihaing Writ of Habeas Corpus ni dating presidential daughter Veronica “Kitty” Duterte at ng iba pa niyang mga kapatid na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at Congressman Paolo “Pulong” Duterte.

‘’Sapagkat ang Korte Suprema, ang lahat ng hukuman, ay may jurisdiction over sa mga illegal acts na ginagawa ng opisyales ng gobyerno at ng gobyerno. Ang jurisdiction ay doon sa mga opisyales at sa gobyernong lumabag sa Saligang Batas at nilabag ang karapatan ng dating Pangulong Duterte,’’ ayon kay Atty. Panelo.

Dagdag pa ni Panelo, may kapangyarihan pa rin ang Korte Suprema hinggil dito dahil kung wala ay lumalabas na kapag may kumakalaban sa pamahalaan at sa mga opisyales nito ay madali lang para sa kanila na isuko sa kapangyarihan at hurisdiksyon ng dayuhang korte tulad ng International Criminal Court ang mga pumupuna sa kanila.

‘’Sini-circumvent nila ‘yung ating batas. Hindi maaaring ang isang mamamayang Pilipino, pag ito’y inaakusahan natin ng krimen na ginanap o ginawa dito sa ating bansa ay hahayaan nating ang isang dayuhang bansa o dayuhang institusyon o dayuhang hukuman ang lilitis sa kanya,’’ saad ni Panelo.

Ani Panelo, hindi lang magiging inutil ang ating hukuman sa paglilitis sa mga lumabag sa batas kundi maituturing ding pagsuko ito sa soberentiya ng bansa sa mga dayuhan.

Ang Writ of Habeas Corpus ay isang kautusan mula sa korte na nagsasabing dapat iharap sa hukuman ang isang taong ikinulong para malaman kung legal o makatarungan ba ang pagkakakulong sa kanya.

Kung walang sapat na dahilan ang pagkakulong, maaaring iutos ng korte ang pagpapalaya sa nasabing indibidwal.

Matatandaang naghain ng nasabing petisyon sa Korte Suprema ang tatlong magkakapatid na Duterte para sa pagpapabalik ng kanilang ama sa bansa matapos siyang iligal na inaresto pagdating sa Pilipinas galing sa isang pagtitipon kasama ang mga overseas Filipino worker sa Hong Kong noong Marso.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble