Yellow at Blu Card holders ng EMBO, wala nang benepisyo mula sa Makati LGU

Yellow at Blu Card holders ng EMBO, wala nang benepisyo mula sa Makati LGU

MALAKING problema para sa mga residente ng mga EMBO Barangay na sakop ng Makati noon ang pagkakawalang bisa ng kanilang Yellow Card at Blu Card na kanilang ginagamit para sa libreng pagpapagamot at iba pang mga benepisyo. Pero tiniyak ng Taguig na handa sila na maibigay ang maayos na health services sa mga apektadong residente.

Dalawang beses na-confine si Aling Sonia noong 2022 sa Ospital ng Makati dahil sa magkakaibang sakit.

Ni piso ay walang binayaran si Aling Sonia sa pagpapagamot.

Ganoon din si Mang Merlan na wala ring binayaran nang siya ay naoperahan dahil sa appendicitis noong 2004.

Malaking tulong anila ang kanilang Yellow Card bilang residente ng Makati para makalibre sa pagpapaospital.

Pero namomroblema ngayon si Aling Sonia at Mang Merlan kasabay ng libu-libong residente ng 10 EMBO Barangay.

Inanunsiyo kasi ng Makati City Government na wala nang bisa ang kanilang Yellow Card simula nitong Enero 1, 2024 maliban na lang kung sila ay mga empleyado ng city government.

Kasunod ito ng naging desisyon ng Korte Suprema na sakop na ng Taguig ang mga EMBO Barangay.

Kaya tanong ng mga apektadong residente, paano na sila ngayon?

“’Yun nga ang problema namin ngayon kung saan makakalibre. ‘Yun nga iniisip namin lalo na ngayon ‘yung mga nagma-maintenance wala na rin. ‘Yung mga gamot na maintenance. Saan namin kukunin?” ayon kay Sonia Calangyan, residente ng Barangay Cembo.

“Sana walang mangyari. Malusog naman lage sana. Walang sakit dahil wala ng Yellow Card. Malaking bagay ‘yung Yellow Card,” ayon kay Merlan Torres, residente ng Barangay Cembo.

Bukod sa Yellow Card, wala na ring bisa ang Blu Card ng mga senior citizen ng EMBO.

Sa pamamagitan ng Blu Card, nakakatanggap ng iba’t ibang benepisyo ang mga senior ng Makati gaya ng cash incentives, libreng panonood ng sine, at cake tuwing birthday.

Mga health center at lying-in sa EMBO, isinara ng Makati LGU

Kasabay nito, isinara na rin ng Makati ang health centers at lying-in na nasa EMBO dahil expired na rin anila ang license to operate ng mga ito.

“Mahirap na walang health centers kasi kapag mayroon kaming nararamdaman, pupunta kami ng Taguig. Papaano ang kagaya ko? Wala akong pamasahe. Iyan sir lakarin lang eh. Pagkuha ng gamot nilalakad lang. Ang layo ng Taguig,” ani Maria Abusca, residente ng Barangay Cembo.

Pagsasara ng health centers at lying-in sa EMBO, isang panloloko—Taguig LGU

Pero sa isang pahayag, sinabi ng Taguig City Government na isang panlilinlang at panloloko ang pagsasara ng mga health center.

Sabi ng Taguig na hindi kailangan ng license to operate ng mga health centers maliban na lamang kung ito ay isang registered primary care facility.

Anila ang nais lamang ng Makati ay ipagkait sa mga residente ang nasabing pasilidad at serbisyo bunsod ng hangarin nitong gipitin ang Taguig kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema.

“Ang totoo, pakana ng Makati na ipagkait sa mga residente ng EMBO ang pasilidad at serbisyo ng health centers at lying in clinic sa EMBO bunsod ng baluktot nitong hangarin na gipitin ang Taguig matapos ideklara ng Korte Suprema na ilegal ang pag-ukupa nila sa mga EMBO barangays,” pahayag ng Taguig City Government.

Dagdag pa ng Taguig na isang karumal-dumal na krimen ang pagsasara ng Makati ng health centers.

Anila hindi kailanman dapat isakripisyo ang buhay at kalusugan ng mga mamamayan para lamang sa pansariling politikal na interes.

“Hindi kailan man dapat isakripisyo ang buhay at kalusugan ng mga mamamayan para lamang sa pansariling politikal na interes,” ayon pa sa Taguig City Government.

Taguig, handang magbigay ng maayos na health services sa mga residente ng EMBO

Sa kabila nito, ipinahayag ng Taguig ang kahandaan na magbigay ng maayos na health services sa mga residente ng EMBO.

Available na ang Telekonsulta para sa mga residente ng EMBO barangays.

Bukas ang teleconsultation hotlines mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., Lunes hanggang Biyernes.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble