PANGUNAHING layunin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na protektahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) saanman sila naroroon.
Ayon kay Undersecretary Eduardo de Vega para sa Migrant Workers Affairs, malaya ang mga OFW na magdesisyon kung magpapadala sila ng pera o hindi sa loob ng tinukoy na panahon bilang pagpapakita ng simpatiya kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Aminado si De Vega na mahirap ito para sa mga pamilya ng mga OFW sa Pilipinas na umaasa sa remittance, ngunit binigyang-diin niya na karapatan ng mga OFW ang kanilang desisyon.
“Alam namin sa DFA, palaging nagre-remit ang mga kababayan natin, kailangan ng kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas. Hindi ko alam kung kaya nila walang i-remit for four days, ganun pa man that is their right.”
“Kung desisyon nilang magpadala ng pera, nasa kanila iyon. Pero kung ang dahilan dahil sa politika, mauulit ko, hindi ito political repression,” ani Usec. Eduardo de Vega, Department of Foreign Affairs.
Tiniyak din ni De Vega ang tulong ng DFA kay dating Pangulong Duterte at sa kanyang mga kasamahan sa The Hague.
“At ako mismo bilang Usec for Migration Affairs, nag-authorize ako sa Philippine Embassy sa The Hague na bigyan ng assistance si President at saka yung kanyang entourage. Binibigyan ng sweater, mga jacket, mga ganyan. Sila na nagbabayad ng abogado nila, syempre kaya nila ‘yun,” aniya.
Asylum request ni Atty. Harry Roque, hindi maaharang kung may desisyon ang Netherlands—DFA
Tungkol naman sa asylum request ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque, sinabi ni De Vega na nasa Netherlands pa rin ang desisyon.
Dapat aniya ipakita ng Pilipinas na walang political persecution at totoong demokrasya sa bansa para kontrahin ang argumento ni Roque.
“Kaya kung si Atty. Roque nandoon tapos sasabihin, political prisoner, mayroon tayong election sa Mayo, pwedeng lumabas ang mga oposisyon doon. Pero yung harang, hindi natin ‘yan mahaharang kung iyan ang desisyon ng Netherlands,” aniya.
Habang patuloy ang usapin tungkol sa “zero remittance” protest ng ilang OFWs at ang asylum request ni Atty. Harry Roque sa Netherlands, nananatiling malinaw ang posisyon ng DFA—karapatan ng mga OFW ang pagpapadala ng kanilang kinikita, at desisyon ng Netherlands ang pag-apruba sa anumang asylum request.
Samantala, tiniyak din ng DFA ang pagbibigay ng tulong kay dating Pangulong Duterte at sa kanIyang mga kasamahan sa The Hague, alinsunod sa mandato nitong protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino saanmang panig ng mundo.