Mayo 1, 2025 – Cebu City – Sa wakas ay natupad na ang isa sa mga pangunahing pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM): ang pagbebenta ng ₱20 kada kilong bigas, na sinimulan ngayong Labor Day sa Capitol Grounds, Cebu City.
Dinumog ng mga mamamayan ang lugar sa unang araw ng murang bigas distribution, na layong tugunan ang tumataas na presyo ng pangunahing bilihin. Ang inisyatibo ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) at mga lokal na pamahalaan, sa ilalim ng programang layuning gawing mas abot-kaya ang pagkain para sa mga pamilyang Pilipino.
Ayon sa mga opisyal, ang bigas na ibinebenta ay mula sa mga kooperatiba at mga rice supplier na bahagi ng government subsidy arrangement. Mahigpit ang pagpapatupad ng mga guidelines upang masiguro na makikinabang lamang ang mga tunay na nangangailangan.
Ito ang unang pagkakataon na aktwal na naipatupad ang ₱20/kilo rice program sa isang malaking lungsod, na itinuturing ngayong pilot area para sa mas malawak na implementasyon sa ibang panig ng bansa.