Pinsala ng El Niño sa agrikultura, pumalo na sa P9.5-B

Pinsala ng El Niño sa agrikultura, pumalo na sa P9.5-B

NGAYONG papatapos na ang buwan ng Mayo ay hindi pa rin opisyal na nati-terminate ang El Niño climate pattern.

Kaya payo ng pamahalaan, konting tiis pa pagdating sa pagtitipid sa limitadong mapagkukunan tulad ng tubig, kuryente, at pagkain.

Matindi pa rin ang epekto ng El Niño sa iba’t ibang sektor lalo na sa agrikultura.

Sa isang public briefing nitong Huwebes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Joey Villarama, ang tagapagsalita ng Task Force El Niño, nasa P9.5-B ang danyos sa agrikultura, base sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa ngayon, nasa 163,000 hectares ang pinsala sa nasabing sektor.

“So, very alarming, sasabihin natin na malaki – naku nasa 9.5 billion, nasa 163,000 hectares iyong damage po pero in terms of help po, bukod po sa presidential assistance to farmers, fisherfolk and their families po eh mayroon pong ten billion pesos na rin na naibigay na tulong ang iba’t ibang ahensiya,” pahayag ni Asec.  Joey Villarama, PCO | Spokesperson, Task Force El Niño.

Patuloy naman aniya ang pagtugon ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), sa mga matinding naapektuhan ng El Niño phenomenon.

374 siyudad at munisipalidad, nasa ilalim ng state of calamity dahil sa El Niño

Iniulat pa ng Task Force El Niño na umabot na sa 374 na mga siyudad at munisipalidad ang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño.

Saad ni Villarama, kabilang sa bilang na ito ang buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at 11 pang buong probinsiya ang nagdeklara ng state of calamity.

Inaasahan naman ng pamahalaan na kakaunti na lamang ang madadagdag sa datos na ito dahil umuulan naman na nitong mga nakaraang linggo.

Bukod sa mababawasan na ang sobrang init ng panahon, ay makakapaghanda na rin sa paparating na tag-ulan at La Niña.

“Maiibsan hindi lamang iyong tindi ng init ng panahon na nararanasan natin kung hindi mauumpisahan na po natin ang rehabilitation ng ating agricultural lands at saka makakapaghanda na rin po tayo sa paparating naman na rainy season at La Niña,” ayon kay Asec.  Joey Villarama, PCO | Spokesperson, Task Force El Niño.

DOH, nagbabala sa mga mauusong sakit sa darating na La Niña

Kaugnay ng nalalapit na rainy season, ibinahagi naman ng Department of Health (DOH) ang mga sakit na mauuso at dapat iwasan ngayong transition period na nga mula El Niño pa-La Niña.

Sinabi ni DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na dapat na mag-ingat at umiwas ang publiko sa tinatawag na “WILD” – na nangangahulugang Water and food-borne diseases; Influenza-like illnesses; Leptospirosis; at Dengue.

Kasama sa water-borne diseases ang food poisoning na maaaring mangyari kapag ang isang tao ay umiinom ng kontaminadong tubig, na nagreresulta sa gastroenteritis.

 “So, ano ang preventive measure? Kung hindi tayo sigurado sa ating iinumin na tubig, walang mawawala kung pakuluan ito ng dalawang minuto – simula kapag bumubula na iyong tubig sa kulo, mag-time na tayo ng two minutes tapos palamigin after at saka natin inumin,” wika ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

Kabilang naman sa sinasabing influenza-like illnesses ang ubo at sipon na maaaring dahil sa pagbabago ng panahon.

Ang leptospirosis naman ay dahil sa mga spirochetes. Ito ay mga mikrobyo na mula sa ihi ng daga na nakukuha sa baha at putik.

“Try nating huwag lumusong sa baha kung kakayanin pero kung hindi maiwasan for whatever reason dapat po pagkatapos nating lumusong sa baha tayo ay maglinis kaagad, maghugas at magtuyo ng ating mga katawan – maligo na tayo,” wika ni Asec. Albert Domingo, Spokesperson, DOH.

At sa sakit na dengue, payo naman ng DOH, siguraduhing hindi nag-iipon ng tubig at gumamit ng self-protection measures gaya ng pagsusuot ng long sleeves at paglalagay ng mosquito repellant lotions.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble