HALAGANG USD 1.3-Billion na investment pledges at 6,700 na trabaho ang inani ng Pilipinas mula sa official visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Washington D.C.
Tumagal si Pangulong Marcos sa Estados Unidos mula Mayo 1 – 4.
Ang mga pamumuhunan na ito ay mula sa iba’t ibang kompanya sa US sa mga sektor ng manufacturing, information technology, renewable energy, healthcare, at research and development.
Samantala, nagpapasalamat si Pangulong Marcos sa Private Sector Advisory Council (PSAC) sa pag-organisa ng talakayan tungkol sa investment pledges ng US sa Pilipinas.
Pahayag pa ni Pangulong Marcos, ang kanilang competencies at resources kasama ang framework at regulations ng pamahalaan, ay lilikha ng isang magandang kapaligiran para sa pamumuhunan at paglago ng ekonomiya para sa bansa.
Una rito, nakipagpulong si Pangulong Marcos sa mga miyembro ng US-ASEAN Business Council, US Chamber of Commerce, at mga piling American business executive sa isang serye ng mga pagpupulong at isang forum.
Napag-usapan sa meeting ang mga oportunidad sa kalakalan at pamumuhunan sa Pilipinas.
Hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga kompanyang Amerikano at mamumuhunan na palawakin ang kanilang mga negosyo sa bansa dahil sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas na 7.6% noong nakaraang taon.
Ibinahagi rin ni Pangulong Marcos na ang kaniyang administrasyon ay nagsusumikap upang mapabuti ang investment climate sa bansa.