10 Pilipino ligtas na nakauwi mula Cambodia

10 Pilipino ligtas na nakauwi mula Cambodia

NAKAUWI na sa Pilipinas nitong Linggo ang 10 Pilipinong na-recruit umano sa pamamagitan ng mapanlinlang na online job offers at napadpad sa isang scamming factory sa isang probinsiya sa Cambodia.

Matapos ang siyam na oras na biyahe mula sa Oddar Meanchey Province sa Cambodia, dinala muna ang mga Pilipino sa Immigration Headquarters sa Phnom Penh. Dito ay agad silang tinulungan ng Assistance-to-Nationals (ATN) team ng Embahada ng Pilipinas bago sila tuluyang napa-uwi sa bansa.

Mainit silang sinalubong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng mga kinatawan mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, at Inter-Agency Council Against Trafficking. Agad ring ipinagkaloob sa kanila ang medical assistance, travel documents, care packages, at iba pang pangangailangan. Ang kanilang pag-uwi ay pinondohan sa pamamagitan ng ATN fund ng DFA.

Ayon kay DFA Assistant Secretary Robert Ferrer, Jr., anim sa mga Pilipino ang personal na lumapit sa embahada noong Marso 12 para humingi ng saklolo.

“’Yung anim po dito, lumapit po sila mismo sa embahada noong March 12. Pagkatapos na pagkatapos niyon, nilapitan na ng embahada natin ang Royal Cambodian Police. ’Yung mismong pulis ng Cambodia ang kumuha sa kanila,” ani DFA Assistant Secretary Robert Ferrer, Jr.

Noong Marso 19, sinagip ng Cambodian authorities ang mga Pilipino at pansamantalang dinala sa Oddar Meanchey Police Facility. Inabot ng halos isang buwan ang proseso bago sila naipauwi.

Ayon sa DFA, ang matagumpay na repatriation ay bunga ng matagal nang magandang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia. Patuloy rin ang pasasalamat ng embahada sa Royal Government of Cambodia sa mabilis nitong tugon sa apela ng Pilipinas.

Ngunit kasabay ng tulong ay ang babala ng DFA laban sa mga mapanlinlang na online job offers. Batay sa Embassy Advisory No. 09-2025, dumarami na ang mga kasong nauuwi sa human trafficking at exploitation dahil sa mga peke at delikadong alok sa social media.

“We are appealing to those who have access to digital devices—whether laptop, iPad, cellphone, or digital watch—maging mapanuri po tayo. Dahil hindi po lahat ng nasa internet ay totoo, at hindi rin lahat ay tama,” aniya.

Dagdag pa ng DFA, para sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibang bansa, tiyaking dadaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers o makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas o Philippine Consulate General.

Sa kabila ng mga hamon, muling tiniyak ng DFA ang kanilang kahandaang tumulong. Ngunit panawagan ng ahensya: huwag umasa lamang sa gobyerno—maging maingat, mapanuri, at makialam para hindi mauwi sa kapahamakan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble