100-M pisong halaga ng shabu, naharang sa Catbalogan, Samar

100-M pisong halaga ng shabu, naharang sa Catbalogan, Samar

ARESTADO ang lalakeng kinilalang si Alyas Toper, na nagmamaneho ng isang sasakyang lulan ang nasa labinlimang (15) kilo ng shabu na nakabalot sa brown paper at nakalagay sa plastic pack na may Chinese characters.

Naharang ang sasakyan ng suspek mula sa isinagawang Anti-Carnapping at checkpoint operations ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa Brgy. New Mahayag, Catbalogan City sa Samar.

Nagkakahalaga ang mga shabu ng isandaang milyong piso.

Sa panayam kay PNP-HPG Spokesperson, PLt. Nadame Malang sa Kampo Krame, kasalukuyan nang inimbentaryo ang mga iligal na droga habang pinaghahandaan na rin ang pagkakaso laban sa suspek.

Ayon sa inisyal na impormasyon, may transaksyon ang suspek sa Mindanao bago ito naharang ng mga awtoridad pero inaalam pa kung kanino at saan galing ang kontrabando kasama na rin ang criminal history ng suspek.

“Isa pa sa palaisipan ng HPG kung saan ito galing, inaalam pa sa ngayon dahil kanina lang ito nangyari around 11:55 a.m. at inaalam din kung saan ito galing at ano ang mga criminal history nung nahuli natin suspect,” ayon kay PLt. Nadame Malang, Spokesperson, Philippine National Police – Highway Patrol Group.

Batay sa pag-aaral ng PNP, isa ang Western Visayas na dinaraanan ng mga sindikato ng iligal na droga mula North hanggang South at vice versa.

“Sa ngayon, sinisikap ng ating highway patrol officers na alamin at kilalanin ‘yung personal history nitong suspect baka sakaling may criminal history ito gayun itong daanan na ito Talaga isa sa mga major ways papunta sa Mindanao at papuntang south to north at north to south at isa sa daanan ng Central Visayas,” saad ni PLt. Nadame Malang.

Sa kabilang banda, naaresto naman ng Criminal Investigation and Detection Group – Bulacan ang dalawang preso na nakalabas mula sa Bulacan Provincial Jail.

Kinilala ang mga preso na sina Abdua Arajalon at Mario San Jose Jr., na may mga kasong pagpatay.

Bukod sa dalawa, arestado rin ang jail guard na nagdala sa kanila.

Napag-alaman kasi na wala itong kaukulang permiso o hindi awtorisado ang paglabas ng dalawang suspek.

Isinasagawa na rin ang malalimang imbestigasyon kung makailang beses nang posibleng nakalabas ng kulungan ang dalawa.

Inaalam na rin ang posibleng pagkakasangkot ng politiko na may kaugnayan sa dalawa na nagagamit sa mga krimen sa lalawigan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble