12 dating rebelde ng Gitnang Luzon balik-loob sa pamahalaan

12 dating rebelde ng Gitnang Luzon balik-loob sa pamahalaan

SA ilalim ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya, muling pinatunayan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang tagumpay nito sa pagpapabalik-loob ng mga dating rebelde.

Sa nakalipas na linggo, 12 dating kasapi ng communist terrorist group at underground mass organization mula sa mga lalawigan ng Tarlac, Nueva Ecija, at Bulacan ang boluntaryong sumuko sa gobyerno mula Mayo 13–16.

Noong Mayo 13, boluntaryong sumuko si “Ka Mia,” isang magsasaka mula sa Brgy. Pao 3rd, Camiling, Tarlac.

Siya ay dating miyembro ng KLG-Tar-Zam sa ilalim ng pamumuno ni Neptali Santos alyas “Ka Atong,” na kumikilos sa mga lalawigan ng Tarlac at Zambales.

Samantala, noong Mayo 16, sa Brgy. Aigal, Guimba, Nueva Ecija, siyam na kasapi ng Liga ng Manggagawang Bukid ang sabay-sabay na tumalikod sa kanilang suporta sa Alyansang Magbubukid sa Gitnang Luzon na may ugnayan sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Naging instrumento sa kanilang pagbabalik-loob ang mga kinatawan ng 2nd PMFC ng Nueva Ecija Provincial Police Office, katuwang ang mga yunit mula sa Guimba, Rizal, llanera, Quezon, at ang 84th Infantry Battalion ng 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Sa parehong araw, sumuko naman si “Ka Ruby,” 42 taong gulang, mula sa Brgy. Calero, Malolos City, sa 1st PMFC headquarters sa Camp Alejo Santos, Bulacan.

Miyembro si Ka Ruby ng Hukbong Bayan na aktibong kumikilos sa mga baybaying bahagi ng Bulacan, Pampanga, Zambales, at Bataan.

Kasabay rito, sumuko rin si Alyas “Nonoy,” 32 taong gulang, mula sa Brgy. San Eustacio, Aliaga, Nueva Ecija. Siya ay miyembro ng Pambansang Katipunan ng Magsasaka.

Ayon sa pulisya, ang serye ng mga pagsuko ay malinaw na tagumpay ng kampanya kontra insurhensiya sa ilalim ng pinalakas na “Oplan Balik-Loob” at ng NTF-ELCAC, na nagtataguyod ng kapayapaan at seguridad sa mga komunidad sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble