IKINABIT ng Department of Transportation (DOTr) Road Sector sa 13 istasyon ng EDSA Busway ang mga bus timer.
Kabilang ang istasyon ng Monumento MCU, Bagong Barrio, Balintawak, Muñoz, North MRT Station, Quezon Avenue MRT Station, Q-Mart, Main Avenue, Ortigas MRT, Guadalupe MRT, Buendia, Taft Avenue at Roxas Boulevard.
Layunin nito na maisaayos ang sistema ng pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa EDSA Busway.
Ang naturang bus timer ay may 3 signal lantern na may two-digit timer, pole, at lighting, ito rin ay mayroong traffic signal local controller na may kasamang detector card at loop detectors.
Sinabi ng DOTr, nakalaan ang 30-second maximum time para sa bawat bus unit na magsasakay at magbababa ng pasahero sa mga nasabing istasyon.
Ito naman ay mare-reset pagdating ng kasunod na bus at maaari pa ring i-calibrate ang mga bus timer at baguhin ang maximum time base sa rekomendasyon ng I-ACT at MMDA.