13 nasawi, 20-k katao apektado sa malawakang pagbaha sa Italy

13 nasawi, 20-k katao apektado sa malawakang pagbaha sa Italy

NAHAHARAP ngayon sa malaking kalamidad ang ilang rehiyon ng Italya dahil sa sunud-sunod na pag-uulan kung saan nasa 20 libong katao na ang apektado.

Partikular na matinding naapektuhan dahil sa pagbaha ang mga kabahayan at sakahan sa Emilia Romagna Region, isang malaking rehiyon sa northern part ng Italy.

Sa huling datos na inilabas ng awtoridad, aabot na sa 13 katao ang nasawi.

Ayon kay Emilia Romagna Region President Stefano Bonaccini, ang nararanasan nilang baha sa ngayon ay halos maikukumpara sa lindol na tumama sa kanilang lugar na nag-iwan ng malaking pinsala.

Isang napakalaking responsibilidad din aniya at kailangan ng fundraising effort upang maisaayos ang mga pinsalang dulot ng baha.

Sa ngayon, pansamantalang nasa evacuation centers ang mga apektadong residente.

Napag-alaman na bago nangyari ang mga pagbaha, ang Emilia-Romagna at iba pang mga lugar sa hilagang bahagi ng Italya ay nakararanas ng tagtuyot na labis na nagpatuyo ng lupa na pinaniniwalaang dahilan ng pagbaba sa kapasidad nitong sumipsip ng tubig.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter